Earthquake drill, hindi sapat; Mga gusali, tiyaking matibay sa The Big One
- Bong Revilla
- Nov 6, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Kamakailan ay nagsumite tayo ng panukalang-batas para obligahin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng agarang inspeksiyon sa mga gusali at imprastruktura sa ating bansa.
Hindi na maganda ang nangyayari na tuwing lilindol ay saka lang ito pag-uusapan, pero paglipas ng ilang araw o natabunan na ang isyu, wala na. Dapat ngayon na mismo isagawa ang inspeksiyon at audit ng mga buildings at structures, hindi ‘yung tuwing lilindol lang.
Alam ba ninyong ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 22 ang naitalang nasawi, 424 ang nasugatan at 2 ang nawawala mula sa Regions X, XI, XII at BARMM dahil sa sunud-sunod na lindol, hindi pa kasama ang 29, 453 imprastruktura na nawasak?
At posibleng dumami pa ito kung lilindol na naman, eh, hindi ba, may banta nga sa sinasabi nilang ‘Big One’ na umano’y hahati sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan?
Pero wala tayong ginagawa, napakaraming sinasabi ng mga eksperto hinggil sa umano’y kinatatakutang lindol kung saan pinapawi lamang ng ilang ahensiya ng pamahalaan ang takot ng marami sa pamamagitan ng kung anu-anong klase ng earthquake drillS.
Ito ngayon ang pinangangambahan ng marami sa ating mga kababayan dahil tila kabuteng nagsusulputan ang mga high-rise building at dikit-dikit pa na karaniwan ay condominiums sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Wala tayong duda sa kakayahan ng mga kontratista at inhinyero na gumagawa ng mga imprastruktura ngunit, alam nating lahat na hindi pa subok ng malakas na lindol ang Metro Manila at hindi tayo sigurado kung nakakasunod sa National Building Code on Structural Safety and Integrity.
Lumalabas na dapat may kakayahang labanan ng gusali sa bansa ang nasa Magnitude 8.4 na lindol ngunit, lumalabas sa pag-aaral noon pang 2011 na 35 porsiyento ng low-rise residential buildings at 25 porsiyento ng mid-rise building sa Metro Manila ay hindi nakakasunod sa construction codes and standards.
Kung seseryosohin natin ang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), hinog na umano ang fault line sa Metro Manila na tinawag nilang “Big One” na sa anumang oras ay pinangangambahang mangyari.
May mga pag-aaral na kung tatama ang Magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila, posibleng nasa 35, 000 pataas ang maaaring masawi habang nasa 120, 000 naman ang posibleng masugatan at higit 3 milyon katao ang kinakailangang ilikas sa ligtas na lugar.
Sa pagbagsak ng low-rise condo sa bayan ng Makilala, kamakailan, senyales ito na lubhang nasa panganib ang ating mga condominiums lalo na ‘yung mga high-rise buildings dahil hindi natin tukoy kung pasado ang mga ito o hindi sa construction codes and standards.
Lalo pa at hindi naman lihim ang korupsiyon sa pag-isyu ng building permit kaya malaki ang posibilidad na may mga sumunod sa building code at meron ding nagpalusot lang matapos ang proyekto.
Kaya hangga’t hindi naisasagawa ang sinasabi nating audit at inspeksiyon, patuloy ang pangamba ng mga nakatira sa condo na wala namang magawa kung hindi ang magdasal para hindi dumating ang sinasabing “Big One”.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments