15,000 runner, target ng takbo para sa kalikasan

Aarangkada na sa Linggo ang Takbo Para sa Kalikasan na inorganisa ng provincial government ng Bulacan at target ng 3-in-1 footrace ang 15,000 mananakbo na magsisimula at matatapos sa Bulacan Sports Complex sa Barangay Sta. Isabel, Malolos City.
Hinihikayat ng pamahalaan ng Bulacan ang kanilang mamamayan na makiisa sa naturang fun run sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government na may temang ‘Philippines Run in Support of the Battle for Manila Bay.’
Magsisimula ang 3-in-1 footrace ng 4 a.m. sa Bulacan Sports Complex sa Malolos City bilang starting point na may rutang 3K,5K at pinakamahabang rutang 10K. Nilalayon nitong mapalawak ang kaalaman hinggil sa rehabilitasyon ng coastal area kung saan ang 3K U-turn run ay magtatapos sa McArthur Highway, Brgy. San Pablo habang ang 5K U-turn run naman ay magtatapos sa Tikay Elementary School at ang 10K U-turn run naman ay magwawakas sa harap ng Bulacan Polytechnic College pabalik sa starting point.
Ayon kay Jayson Vinta, pinuno ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Office, mahigit 15,000 ang inaasahang lalahok sa pagtakbo at ang mga magwawagi ay gagawaran ng perang gantimpala, mga medalya at tropeo sa bawat kategorya.
Makikipagtulungan rin ang Red Cross Philippines-Bulacan Chapter at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang masiguro ang kaligtasan ng mga mananakbo.





Comments