Special children, karapatang magkaroon ng de-kalidad na edukasyon tulad ng mga normal na bata
- Kuya Win Gatchalian
- Nov 5, 2019
- 2 min read

Noon pa man, saludo na tayo sa mga magulang na may special needs ang anak tulad ng autism.
Nakabibilib ang mga nanay at tatay na ito dahil mahirap man ang kanilang sitwasyon ay hindi sila napapagod at sumusuko.
Sa ating pagsasaliksik, ang batang sumasailalim sa ganitong kondisyon ay karaniwang hirap sa pakikisalamuha sa ibang tao at may mga bagay o pag-uugali na paulit-ulit nilang ginagawa o sinasabi o kilala rin sa tawag na echolalia.
Mabagal ang pag-usad sa kanyang pagsasalita, paglalaro o pakikipagtalastasan sa iba.
May mga bata rin namang mayroong mild impairments, habang may iba rin ang may malalim na pagsubok sa kondisyong ito.
Kahit may mga panahong mahirap mailaan ang espesyal na pag-aalaga at atensiyon para sa anak ay nananatili silang determinado at madiskarte sa paghahanap ng paraan para lumawak pa ang kanilang pagkatuto, lumaki nang maayos, matutong makihalubilo sa iba at mamuhay nang matagumpay.
Anumang klase ng autismo na mayroon ang bata ay kailangan nito ng sapat na kalinga at angkop na intervention para maihanda ang kanilang kinabukasan tulad ng paalala ng mga eksperto.
Noon pa man, hirap nang tukuyin ang tiyak na sanhi ng autism ngunit, mayroon itong iba’t ibang pinagmumulan.
Ayon sa artikulo sa HelpGuide.org, kabilang dito ang pag-inom ng anti-depressant sa pagbubuntis ng ina sa unang tatlong buwan, mababang timbang ng sanggol at neonatal anemia at impeksiyon ng nanay sa pagbubuntis.
Bukod dito, ang indibidwal na may ASD (Autistic Spectrum Disorder) ay may talento sa musika, Math, Science at sports kung saan sila ay nagiging eksperto at tinatawag na autistic savant.
Ang savant ay nagmula sa Latin word na nangangahulugang wais at ekstraordinaryong abilidad na magtapos ng partikular na gawain sa kabila ng limitado nitong kapasidad sa ibang larangan.
Lahat ng mayroong potensiyal ay maaaring magpatulong sa mga speech, physical at occupational therapist upang magamit at masulit nila ang kanilang angking galing.
Malawak pa ang usapin tungkol sa autismo. Ngunit, para sa ating mga magulang at guro, patuloy natin silang suportahan.
Patuloy natin silang tulungan na pataasin ang kanilang kumpiyansa sa sarili. Huwag mag-alangang humingi ng tulong sa mga SPED center at SPED school na eksperto tungkol dito.
Ang mahalagang gamot dito ay ang pagtanggap nang buong puso at puno ng pagmamahal ng ating mga mahal sa buhay.
Turuan natin sila ng simpleng kaalaman, kilos at pag-uugali nang may pasensiya at pang-unawa para makapamuhay sila nang masaya at makabuluhan.
Higit sa lahat, lubos na makatutulong ito sa kanilang pag-aaral at pakikisalamuha sa iba.
Tulad ng ordinaryong kabataan, ang mga batang ito ay may parehong karapatan, prebilehiyo at pagkakataong maranasan ang de-kalidad na edukasyon. Ating siguraduhing naibibigay ito nang wasto sa kanila.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments