top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Olivarez vs. Diliman sa UCBL finals na

  • A. Servinio
  • Nov 5, 2019
  • 2 min read

Pasok ang Olivarez College sa serye para sa kampeonato ng Fourth PG Flex Linoleum Universities and Colleges Basketball League (UCBL) matapos nilang wakasan ang kampanya ng bumibisitang University of Batangas, 83-79, sa Pablo R. Olivarez Coliseum noong Lunes. Naghihintay sa Sea Lions ang defending champion Diliman College na nauna ng pumasok matapos talunin ang Centro Escolar University noong nakaraang Linggo, 64-63.

Kinailangan ang mga mahalagang buslo nina Ace Angelo Lavariaz at Kim Siegue para bigyan ang Sea Lions ng 81-79 na lamang at 41 segundo sa orasan. Hindi na nakaporma ang Brahmans at napilitang bigyan ng foul si Yanie Elie at pinasok niya ang kanyang dalawang free throw para sa huling talaan at siyam na segundo ang nalalabi.

Bago noon, sinayang ng Sea Lions ang kanilang pinakamalaking lamang na 77-67 at pinayagang gumawa ng 12 sunod-sunod na puntos ang Brahmans para maagaw ang lamang na may 1:26 sa laban, 79-77. Pinasok ni Joseph Yvan Torres at John Jerrick Caspe ang magkasunod na tres at pinalamang ang UB ng dalawang free throw ni Sam Heidelburg subalit iyan na ang huling narinig sa kanila.

Nanguna para sa Olivarez si Rey Joey Barcuma na may 17 puntos, apat na rebound at apat na assist. Sinundan siya ni Jayboy Solis na may 16 puntos, 7 rebounds and 5 assists. Kumuha ng opensa ang Brahmans kay Don Tabol na may 16 puntos at tinulungan siya ni Melvin Ricana na may 14 puntos, 6 na rebounds at tatlong assists. Tinalo ng UB ang Olivarez, 89-80, noong Oktubre 28 para pahabain ng isa pang laro ang kanilang serye.

Magsisimula ang seryeng best of three ng Diliman at Olivarez ngayong Huwebes sa 2:30 ng hapon, ang pagkikita muli ng dalawang paaralan na nagtapatan para sa korona noong 2018. Bago ang kampeonato, paglalabanan ng CEU at UB ang third place sa 12:00 ng tanghali at kikilalanin ang Most Valuable Player at iba pang mga mahuhusay na manlalaro ng taon sa 2:00 ng hapon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page