Kahalagahan ng micral test sa mga diabetic
- Shane M. Ludovice, M.D
- Nov 5, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Masama ba kapag may protina na lumalabas sa ihi? Ang sabi kasi ng doktor ni tatay, kukuhanan daw siya ng test para rito, ‘micral’ daw ang tawag sabi sa kanya. Para saan ba ang test na ‘yun? Salamat! — Evelyn
Sagot Ang mga bato (kidneys) ang nagsasala ng mga dumi sa ating dugo. Ang mga hindi kailangan ng katawan ay inilalabas ng bato sa pamamagitan ng ihi. Ang albumin o protina ay kailangan ng ating katawan kaya hindi ito dapat lumalabas sa ihi. Pero kapag nagsisimula nang pumalya ang mga kidneys, lumalabas na ang albumin o protina sa ihi.

Ang urine micral test ay pagsusuri kung may kaunting protina o albumin na sumasama sa ihi ng pasyente. Ang ‘micral’ ay pinaiksing tawag sa “microalbumin” o kaunting porsiyento ng albumin.
Kapag sumailalim sa simpleng urinalysis ang pasyente, puwedeng makita kung may albumin o protina sa ihi nito. Pero nagiging positibo lamang ang protina sa urinalysis kapag mahigit 300 mg na ang bilang sa ihi nito. Hindi makikita sa ordinaryong urinalysis kung ang protina sa ihi ng pasyente ay nasa pagitan ng 30 hanggang 300 mg lamang. Kung ganito lang karami ang protina sa ihi, makikita lamang ito kapag nagpagawa ng urine micral test.
Sino ang dapat sumailalim sa urine micral test?
Ang mga diabetic na walang protina sa kanilang urinalysis. Ito ay para malaman nang maaga kung may problema sa mga bato (kidneys). Kung positibo na sa protina sa urinalysis ay hindi na kailangang magpagawa ng micral test. Maaaring magpagawa ang doktor ng iba pang mga tests tulad ng 24-hour urine collection o urine albumin to creatinine ratio.





Comments