Baby Falcons humirit pa ng isang game vs. Tigresses

Naipuwersa ng Adamson University ang rubbermatch matapos walisin ang twice-to-beat-advantage na taglay ng University of Santo Tomas sa pamamagitan ng 22-25, 25-23, 25-16, 25-20 panalo sa kanilang UAAP Season 82 Girls’ Volleyball stepladder semifinals match noong Linggo sa Blue Eagle Gym.
Umiskor si Kate Santiago ng 13 puntos kasunod si Rochelle Lalongisip na may 10 puntos bukod pa sa 19 digs upang giyahan ang naturang panalo ng Baby Lady Falcons. Ito na ang ikalawang do-or-die match na naipanalo ng Adamson kasunod ng panalo nila noong Miyerkules sa unang laro sa stepladder semis kontra La Salle Zobel, 25-20, 25-21, 25-14. Pinangunahan ni Renee Peñafiel ang nabigong Junior Tigresses sa ipinosteng 12 puntos.
Sa boys division, humirit din ng isa pang laro ang defending champion National University-Nazareth School at University of Santo Tomas makaraang magsipagwagi kontra sa kanilang mga katunggali. Tinalo ng Bullpups ang second-ranked University of the East sa loob ng straight sets, 25-19, 25-18, 25-22, habang pinadapa ng Junior Tiger Spikers ang topseed Far Eastern University-Diliman, 25-20, 20-25, 26-24, 25-22.
Idaraos ang tatlong do-or-die matches sa Miyerkules sa Paco Arena. Pinamunuan ni Arvin Bandola ang NU sa ipinoste nitong 13 puntos, 2 blocks at 14 receptions kasunod si Michael Fortuna na may 12 puntos at 10 digs.
“Ito na ‘yung hinihintay ko. Bumalik na ‘yung tiwala nila sa isa’t isa, while at the same time, napaghandaan talaga namin ito. Wala kaming bakasyon, even All Saints’ Day, nag-ensayo kami. Malaking bagay ‘yung effort na ginawa namin,” pahayag ni Bullpups coach Edgar Barroga.
Pinamunuan ni Angelo Reyes ang Junior Warriors sa ipinoste nitong 8 puntos. Sina team captain Rey De Vega na umiskor ng 20 puntos at CJ Segui na nag-deliver ng all-around game na 12 puntos, 27 receptions at 10 digs ang namuno sa Tiger Cubs.
Kahit nabura ang twice-to-beat advantage ng kanilang kalaban, hindi nakakalimutan ng Junior Tiger Spikers na hindi ganu’n kabilis na mapapasuko nila ang Baby Tamaraws.
“Babalik at babalik sigurado ang FEU kasi number one team ‘yan. But tulad ng last game namin, ‘yung resiliency ng mga bata naroon, hindi nawala,” wika ni UST assistant coach John Abella. Si Jerold Talisayan na nagtala ng 13 puntos ang namuno para sa Baby Tamaraws na nakagawa ng 37 errors.





Comments