top of page
Pokwang.jpg

Undas 2019, payapa nga, basura naman ang lumala

Ryan B. Sison
Nov 4, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

“Peaceful at orderly”. Ito ang paglalarawan ni acting National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brig. Gen. Debold Sinas sa katatapos lang na Undas.

Ayon sa NCRPO chief, nasa 1.3 milyon katao ang naitalang bumisita sa mga sementeryo noong ika-1 ng Nobyembre habang higit 170,000 naman noong Nobyembre 2 sa Metro Manila.

Dagdag pa ng acting NCRPO chief, bumaba ang crime volume nang 20% kung saan noong nakaraang taon ay 165 ang naitala habang ngayon ay 113 lang. Aniya, karamihan sa mga krimen ay kinabibilangan ng pagnanakaw at physical injuries.

Samantala, kung naging mapayapa at nabawasan ang krimen ngayong taon, ang mga kalat at naiwang basura ay walang ipinagkaiba.

Tila reunion ang pagbisita sa sementeryo kung saan maraming pamilya ang nagdala ng mga pagkain at doon nagsalu-salo kasabay ng paggunita sa kani-kanilang mahal na yumao.

Matapos ang pagkikita ng magkakamag-anak, kumustahan, kuwentuhan at kainan, kani-kanyang iwanan ng mga basura sa paligid saka nag-uwian.

Sa kabila ng mahigpit na pagpapaalala ng mga awtoridad na huwag magkalat o mag-iwan ng basura, ganito ang taunang eksena sa mga sementeryo. ‘Yung tipong dapat nating sundin ang mga paalala o kusang gawin, pero kawalan ng disiplina pa rin ang nananaig. Tsk!

Mula sa 150 trak ng basura sa mga sementeryo sa Metro Manila noong 2017, bumaba ito ng 100 trak noong 2018, pero ngayong taon, posible pa umano itong mahigitan. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), karamihan sa mga basurang nahakot ay styrofoam tray ng pagkain, plastic bottles, coffee sachets at supot na pinaglagyan ng mga softdrinks, juice at iba pa kung saan ang mga ito ay hindi nabubulok at karaniwang dahilan ng pagbaha.

Gayundin, hindi porke may mga nakatakdang maglinis ng paligid ay puwede nang magkalat o mag-iwan ng basura. Hindi siguro natin ikamamatay ang pagdadala ng sariling basurahan at doon ilagay ang maiipon na basura saka bitbitin paglabas ng sementeryo at itapon sa tamang tapunan.

Kung ang lahat ng tao ay magiging responsable sa pagtatapon ng basura, malaking tulong ito hindi lang sa mga naglilinis kundi pati sa ating paligid dahil hindi na mauulit ang pagbaha na isinisisi sa pagbara ng basura sa mga daluyan ng tubig.

Paalala sa lahat, ang disiplina ay dapat pairalin sa lahat ng oras at hindi kapag may naninita o nagpapaalala lang. Sa totoo lang, tayo rin ang makikinabang pagdating ng panahon kaya panawagan sa publiko, saanman magpunta, palaging bitbitin ang disiplina.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page