UAAP, Bullpups at Tigers, matikas pa sa boy’s volley
- VA / MC
- Nov 4, 2019
- 1 min read

Nakapaghahasa pa ng pangil ang defending champion National University (NU)-Nazareth School at University of Santo Tomas (UST) makaraang sakmalin ang kani-kanilang katunggali sa UAAP Season 82 boys’ volleyball Final 4, kahapon sa Blue Eagle Gym.
Agad na pinasuko ng Bullpups ang No. 2 University of the East (UE), 25-19, 25-18, 25-22, habang ang Junior Tiger Spikers ay pinaamo ang no. 1 Far Eastern University (FEU)-Diliman, 25-20, 20-25, 26-24, 25-22.
Hawak na ng Junior Red Warriors at Baby Tamaraws ang twice-to-beat advantages, parehas na do-or-die matches upang malaman ang dalawang finalists na nakaiskedyul sa Miyerkules sa Paco Arena.
Solido ang laro ni Arvin Bandola para sa NU sa bisa ng 13 points kabilang na ang two blocks at 14 receptions, habang si Michael Fortuna ay may 3 blocks at tumapos ng 12 points.
“Ito na ‘yung hinihintay ko. Bumalik na ‘yung tiwala nila sa isa’t isa at the same time, napaghandaan talaga namin ito, wala kaming bakasyon, even All Saints’ Day, nagensayo kami. Malaking bagay ‘yung effort na ginawa namin,” ayon kay Bullpups coach Edgar Barroga. Nanguna si Angelo Reyes sa Junior Warriors na may 8 puntos habang ang top gunners na sina Francis Babon, Joshua Espenida, at John Paul Mangahis ay nakatulong din.
Namuno si Captain Rey De Vega sa UST na may 20 points, nakapagdeliber si CJ Segui ng all-around game na 12 points, 27 receptions at 10 digs, habang sina Paul Colinares at Jay Rack Dela Noche ay may iniambag na 21 points.





Comments