Rehab sa mga pasaway na bata para hindi na pabalik-balik sa kalye
- Bong Revilla
- Nov 4, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Malaking suliranin ng ating bansa ay ang paulit-ulit na pag-aresto sa mga pasaway na kabataan at pagkatapos ay dadalhin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) pero pagkatapos ay pakakawalan din.
Maging ang mga pulis, kung hindi rin lang mainit ang sitwasyon ay hindi magsasagawa ng mga operasyon para arestuhin ang mga menor-de-edad na nagkalat sa kalye at gumagawa ng kung anu-anong krimen.
Tila normal na tanawin na sa mga bangketa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga menor-de-edad na sumisinghot ng solvent o rugby na ibinebenta sa murang halaga ng ilang tulak na kumikita sa ganitong raket.
At ang mga kabataan kapag lango na sa solvent o rugby ay nakakalimutan na ang gutom — kumakapal ang mukha o lumalakas ang loob para gumawa na ng pagnanakaw o sa murang edad ay nagbebenta na ng panandaliang aliw.
Wala namang direktang complainant ang mga ito maliban sa mga nakakakita o media na inilalathala ang kanilang larawan kaya lamang nabubulabog ang pulisya at naoobliga silang manghuli.
Nawawalan kasi ng gana ang mga operatiba dahil kapag nanghuli sila ng mga menor-de-edad na sumisinghot ng rugby o sangkot sa petty crimes ay malaking istorbo lamang sa kanila dahil ite-turnover pa nila ito sa DSWD.
Hindi naman kasi puwedeng ikulong kaya sa DSWD ang bagsak, pero ang ginagawa lang ng DSWD ay paliliguan ang mga bata, pagkatapos ay pakakainin at kapag napagsabihan na ay pakakawalan din agad. Kaya, nawawalan ng gana ang mga operatiba.
Pero ngayon, pormal nang pinasinayahan kamakailan ng DSWD ang P32.9 milyong regional rehabilitation center para sa mga kabataan at bata na nahaharap sa kasong kriminal.
Ito ay matatagpuan sa bayan ng Tantangan, South Cotabato at tinawag itong ‘state-of-the-art’ facility ni DSWD-12 Director Cezario Joel Espejo at tatanggap umano ito ng mga batang lalaki na nahaharap sa mga kaso at sumasailalim sa intensive treatment at rehabilitation.
Tinatawag umano itong Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) na may kapasidad na 60 beds at pinakamalaki sa rehiyon at nakatayo ito sa 5,000-square-meter na lote sa Barangay Bukay Pait, Tantangan.
Dito rin matatagpuan ang dormitory, administration building at covered court na may entablado para magsilbing recreation center para higit na mapangalagaan ang mga kabataang nahaharap sa kung anu-anong kaso.
Lumalabas na ang naturang pasilidad ay mga bata ang magiging kliyente na ipinag-uutos ng korte na sumailalim sa rehabilitasyon habang naghihintay ng suspensiyon sa kani-kanilang kaso.
Ang nakakatuwa pa, mismong ang lokal na pamahalaan ang magkakaloob umano ng suporta para sa pasilidad habang ang Public Attorney's Office-12 naman ay magkakaloob ng technical assistance at iba pang suporta sa mga operasyon ng center.
Ibig sabihin, posible palang maisakatuparan ang ganito, sana lang ay magkaroon ang buong bansa ng ganitong kakalinga sa mga batang nasasakote para hindi na sila pabalik-balik sa kalye.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments