top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Mga iskuwater sa sementeryo, pauuwiin sa probinsiya

  • Ryan B. Sison
  • Nov 3, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Magpapatuloy ang operasyon laban sa mga informal settler sa Manila North Cemetery.

Ito ang nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno sa isinagawang inspeksiyon at dagdag pa nito, halos dalawang dekada nang libre at ilegal na naninirahan sa sementeryo ang maraming pamilya.

Ayon sa alkalde, ang Manila North Cemetery ay tirahan ng mga patay at bilang respeto sa mga ito at kanilang pamilya, hindi dapat payagan na gawin itong tirahan ng publiko.

Handa umano ang lokal na pamahalaan na tulungang makabalik sa kani-kanilang lalawigan ang mga pamilya, gayundin, bibigyan ng tulong-pinansiyal ang mga ito para makauwi.

Gayundin, hihingi ng tulong ang alkalde sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para dagdagan ang tulong sa mga pamilyang papayag na bumalik sa probinsiya.

Magandang hakbang ito dahil sa totoo lang, wa’ ‘wenta ang clearing operations na isinagawa sa sementeryo kung basta lang paaalisin ang mga naninirahan doon.

Kung hindi babalik sa dating gawi, maaaring magpalabuy-laboy naman ang pamilya at ang masama pa ay magnakaw sila o kumapit sa patalim para lang mabuhay.

Ang nangyayari kasi minsan, puro baklas at palayas lang ang ginagawa kahit hindi alam kung saan mapupunta ang mga napapala yas, nakakalimutan din nating alamin ang dahilan kung bakit pinipili ng pamilya na manirahan doon.

Ang hakbang na ito ay maituturing na hitting two birds with one stone dahil nalinis na ang paligid, natulungan pa ang mga pamilya na mabigyan ng tsansang makauwi sa kanilang mga probinsiya.

Kung handa ang pamahalaan na magbigay-tulong, sana ay hindi ito sayangin o abusuhin ng mga matutulungan dahil hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon. ‘Ika nga, ang tulong ay dapat gamitin sa tama at hindi para sa ikapahahamak.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page