Lakers inakay ni James, Bucks at Nets, lumagare
- MC
- Nov 3, 2019
- 2 min read

Bumanat si LeBron James ng 39 puntos, 16 assists at 12 rebounds nang humabol ang Los Angeles at talunin ang host Dallas Mavericks, 119-110 sa overtime game ng NBA kahapon.
Nakagawa rin si James ng steals, kumunekta ng 13 sa tangkang 23 tirada, kabilang na ang 4-of-9 sa nagawang tres puntos. Umiskor si Anthony Davis ng 31 points at sumunggab ng 8 rebounds para sa Lakers na nagawang lampasan ang 15 puntos na pagkaiwan at nagwagi sa ikaapat na diretsong laro. Humalibas si Danny Green ng 14 puntos kabilang na ang tres puntos pagdating sa buzzer at puwersahan ang pagpasok sa overtime game.
Nakapagtala rin si Luka Doncic ng triple-double, tumapos na may 31 puntos, 15 assists at 13 rebounds. Umambag si Kristaps Porzingis ng 16 puntos at 9 rebounds habang si Dwight Powell ay may 14 puntos para sa Mavericks. Nagpakitang-gilas din si forward Kyle Kuzma sa kanyang season debut at umiskor ng 9 puntos sa loob ng 19 na minuto. Hindi siya nakalaro ng nakaraan dahil sa left ankle injury.
Sa iba pang laban, nakapagbasket si Taurean Prince ng season high 27 puntos at 12 rebounds nang mahabol ng Brooklyn Nets ang 15 puntos na pagkaiwan at talunin ang bisitang Houston Rockets, 123-116.
Umibayo ang kartada ng Nets sa 2-3 at maganda ang ipinakitang rebounds buhat nang talunin sa 10 puntos ng Indiana at gapiin ang Houston, 93-71 sa huling 32:31 minuto.
Dumagdag si Caris LeVert ng 25 puntos para sa Nets at pigilan ang laro ni Kyrie Irving sa unang pagkakataon ngayong season, Tumapos si Irving ng 22 puntos at 10 assists upang iposte ang unang double-double sa Nets.
Pumoste si Prince ng kanyang ikatlong career game na 20 puntos at 10 rebounds. Nakagawa rin ang forward ng 6 of 10 3-pointers at itala ng Nets ang 59.4 percent (19 of 32) shots.
Bumida naman si Giannis Antetokounmpo sa Milwaukee nang kumamada ng double-double nang gamitin ng bisitang Bucks ang unang big half upang gulatin ang Magic, 123-91 sa Orlando. Nagawang makontrol ng Bucks ang una nilang bakbakan sa Magic at ungusan sa 31-14 sa second quarter tungo sa 62-41 sa halftime lead.





Comments