6 na taong kulong sa magla-labas ng sulat o magre-record ng pinag-usapan nang walang permiso ng sang
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Nov 3, 2019
- 2 min read
Nakasaad sa ating Saligang-Batas, partikular sa Article III, Section 3, ang mga sumusunod: Section 3. (1) The privacy of communication and correspondence shall be inviolable except upon lawful order of the court, or when public safety or order requires otherwise, as prescribed by law.
(2) Any evidence obtained in violation of this or the preceding section shall be inadmissible for any purpose in any proceeding.
Makikita natin mula sa nabanggit na probisyon ng Konstitusyon na pinahahalagahan ng estado ang karapatan ng bawat mamamayan na ang kanilang komunikasyon at korespondensiya ay mapanatiling pribado. Ang anumang gawain na magdudulot ng paglabag sa nasabing karapatan ay hindi pinahihintulutan. Hindi dapat labagin ng sinuman ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensiya maliban na lamang kung mayroong basehan tulad ng legal na utos ang hukuman o kung hinihingi ng pagkakataon kung saan kinakailangan ito para sa kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa kung ano ang itinakda ng batas.
Malinaw na nakasaad na ang tanging dahilan para malabag ang karapatang ito ay kung ipinag-uutos ng hukuman at mayroon itong legal na basehan at kinakailangan ito para panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng estado. Maliban sa mga dahilang nakasaad na ito, lahat ng uri ng kadahilanan ay hindi sinasang-ayunan ng Saligang-Batas.
Nasusulat din na anumang ebidensiya na nakuha mula sa paglabag ng nabanggit na karapatan ay hindi maaaring gamitin para sa anumang layunin o hakbangin.
Kaugnay nito, ang sinuman na lumabag sa karapatang ito ay maaaring makasuhan sa hukuman ng paglabag sa Anti Wire-Tapping Law (Republic Act (R.A.) No. 4200) kung saan nakasaad na: “Section 1. It shall be unlawful for any person, not being authorized by all the parties to any private communication or spoken word, to tap any wire or cable, or by using any other device or arrangement, to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word by using a device commonly known as a dictaphone or dictagraph or detectaphone or walkie-talkie or tape recorder, or however otherwise described.”
Sang-ayon dito sa nabanggit na probisyon, labag sa batas ang pagharang ng pribadong sulat o komunikasyon maging ng lihim na pagrekord ng usapan nang walang pahintulot ang mga taong sangkot dito.
Ayon sa Section 2 ng R.A. No. 4200, ang sinumang mapatunayang lumabag o tumulong para malabag ang probisyon ng nabanggit na batas ay maaaring maparusahan ng hindi bababa sa anim (6) na buwan at hindi hihigit sa anim (6) na taon na pagkabilanggo. Maliban sa pagkabilanggo, kasama rin ang accessory penalty na perpetual absolute disqualification from public office kung ang napatunayang lumabag nito ay isang public official sa panahong ginawa ang nasabing paglabag. Kapag ang napatunayang lumabag ay banyaga, siya ay sasailalim sa deportation proceedings.




Comments