Dagdag-suweldo, hindi dagdag-buwis para mabuhay nang maayos

“Papatayin ang mahihirap.”
Ito ang paglalarawan ng taumbayan matapos imungkahi ng Department of Health (DOH) ang dagdag-buwis sa maaalat na pagkain tulad ng daing, tuyo, dilis, gayundin sa mga noodles at sardinas.
Layon nito na mailayo ang publiko sa masasamang epekto ng maaalat na pagkain tulad ng hypertension, heart at kidney diseases.
Gayunman, umani ito ng pambabatikos at kritisismo sa iba’t ibang grupo at taumbayan, gayundin ang babala ng ilang mambabatas.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapataw ng nasabing buwis.
Wala umanong problema sa dagdag-buwis, pero huwag sobrang taas kung saan halos hindi na mabili kahit basic food ito.
Ayon sa taumbayan, ang mga nabanggit na pagkain ay maituturing na pangmahihirap at murang pantawid-gutom, kaya kung magmamahal ito, kawawa na naman ang mga nasa laylayan ng lipunan.
‘Yung tipong sardinas at noodles ang takbuhan kapag gipit na gipit. ‘Yung iba, ito na ang kinakain sa araw-araw at kung itataas pa ang presyo, ano na lang ang mangyayari?
Matutulog nang kumakalam ang sikmura o mamamatay dahil sa gutom?
‘Yung iba naman, dedma na sa posibleng makuha na sakit dahil sa mga kinakain, magkaroon lang ng laman ang tiyan at mairaos ang araw-araw na buhay.
Sa totoo lang, kung may pakialam ang gobyerno sa kalusugan ng mga Pilipino, hindi ito ang dapat nilang pagtuunan ng pansin.
Bakit hindi dagdagan ang pondo sa serbisyong pangkalusugan?
Tiyak na ito ang kailangan ng taumbayan, lalo na ang mamamayan na hindi kayang magpagamot dahil sa hirap ng buhay.
At kung gusto nating maging masustansiya ang kinakain ng bawat pamilya, dagdag-suweldo ang ibigay sa mamamayan at hindi dagdag-buwis.
Alam natin na mababa lang ang suweldo ng ordinaryong Pilipino kaya sana, huwag nating hayaan na lalong maghirap ang mahihirap.
Panawagan sa kinauukulan, huwag kayong magbulag-bulagan dahil alam natin kung ano ang kailangan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments