Bumara sa lalamunan.. 2 yrs. old patay sa lollipop
- Gina Pleñago
- Nov 2, 2019
- 2 min read

Nasawi ang dalawang taong gulang na batang babae matapos umanong malunok ang lollipop na bumara sa kanyang lalamunan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Liam Ezekiel Mago, ng Bgy. 176, Malibay.
Base sa ulat ni Pasay City Police Chief Col. Bernard Yang, bandang alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng biktima.
Sa naunang report, hinalay umano ang biktima ng isang jeepney driver na si alyas Poldo, 28, kapitbahay nito na sinasabing ikinasawi ng paslit.
Gayunman, sa pahayag ni ‘Poldo’ sa pulisya, kasalukuyan siyang nakatayo sa inuupahang silid nang lapitan siya ng bata at tinapik ito at pinatanggal ang balat ng lollipop. Nang mabalatan nito ang lollipop, hindi na umalis sa kanyang tabi ang paslit.
Ilang minuto ang lumipas, nakita na lamang umano ni Poldo na nakabulagta na ang bata at walang malay. Kaya agad siyang humingi ng tulong sa kamag-anak ng biktima na si Lorraine at isinugod sa nasabing pagamutan subalit, idineklang dead-on-arrival ni Dr. Cesar Syquia ng San Juan De Dios Hospital.
Ayon naman kay Police Lt. Allan Valdez, kinausap sila ni Dr. Syquia na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng bata na sinabing posibleng may nangyaring foul play dahil sa nakitang lumaki ang butas ng puwitan ng biktima at may lumalabas umanong dugo rito.
Agad namang ini-report ni Shiela, ina ng biktima, sa Pasay City Police ang insidente dahilan upang arestuhin si ‘Poldo’ sa pag-aakalang hinalay nito ang bata.
Para makatiyak at malaman ng awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng bata agad na isinailalim sa autopsy ang labi nito.
Kahapon ng alas-10:00 ng umaga nang lumabas ang resulta ng awtopsiya sa labi ng biktima na “asphyxia by choking” ang ikinasawi ng bata matapos itong mahirapang huminga nang bumara umano sa kanyang lalamunan ang lollipop na kasama pa ang plastic stick nito.
Hinala naman ng pulisya na posibleng nalunok ng bata ng buo ang naturang lollipop.
Pansamantala namang pinalaya ng mga pulis ang suspek bagama’t, patuloy pa rin itong iimbestigahan.





Comments