Supra GM So, finalist sa Fischer World
- Eddie M. Paez, Jr.
- Nov 1, 2019
- 1 min read

Posible bang isang disipulo ng ahedres na tubong Pilipinas ay maging isang world champion?
Isang hibla na lang ang layo at malapit nang magkatutuo ang ganitong kaganapan matapos na makapasok si Grandmaster Wesley Barbosa So sa finals at makuha ang karapatang sagupain si Norwegian GM Magnus Carlsen para sa korona ng pinakaunang FIDE Fischer Random World Chess Championship sa Hovikodden, Norway.
Inilampaso ni So, tubong Cavite at dating hari ng Philippine chess, ang Rusong si GM Ian Nepomniachtchi sa semifinals sa iskor na 13.0-5.0 upang makausad sa duwelong pangkampeonato ng torneong ngayon lang nakakuha ng sanction mula sa world governing body na FIDE. Dahil dito, kung mangingibabaw si So kay Carlsen, siya ang unang kikilalanin bilang official world random chess king.
Ang random chess ay isang uri ng mabilisang ahedres kung saan hindi malalaman ng mga manlalaro ang magiging puwesto ng rook, knight, bishop, queen at king hanggang sa ilang minuto na lang bago magsimula ang isang laro. Dahil dito, halos walang paghahandang magagawa ang mga chessers. Tinatawag din itong 960 chess dahil mayroong 960 na posibilidad na kumbinasyon ng mga piyesa ang puwedeng bumulaga sa manlalaro. At siempre pa, ang bansag na Fischer chess ay nanggaling sa may konsepto ng laro na si dating world champion Bobby Fischer ng USA.





Comments