Mga pasaway na driver, bawian ng lisensiya para madala
- Ryan B. Sison
- Nov 1, 2019
- 2 min read

Mabilis na umani ng reaksiyon ang post ng isang netizen matapos makaengkuwentro ng pasaway na motorista.
Aniya, naglalakad siya sa kahabaan ng EDSA-Muñoz nang may humarurot na naka-motorsiklo sa sidewalk para makaiwas sa trapik.
Dagdag pa niya, maraming naglalakad at nag-aabang ng masasakyan na may kasamang mga bata, pero tila walang pakialam ang motorista kaya todo-busina pa ito habang humaharurot.
Mabuti na lang at walang nadisgrasya dahil ang mga nag-aabang at naglalakad ay nagulat at mabilis na nakaiwas. Pero, paano kung may nasaktan?
Ang lakas ng loob na dumaan at humarurot sa hindi naman dapat daanan, pero kapag nakaperhuwisyo, ang sagot ay “pasensiya na” o “areglo”?
Naiintindihan natin na gusto ninyong makaiwas sa trapik, pero sana, paganahin din ang disiplina at hindi puro pagpapasaway dahil wala itong magandang kahihinatnan.
Kung hindi ikaw ang mapeperhuwisyo, tiyak na ikaw ang makakaperhuwisyo.
Hirit ng mga netizen, hindi madadala ang mga pasaway na drayber hangga’t hindi sila nakararanas ng aberya dahil sa pagiging iresponsable nila.
Pero ang tanong, kailangan bang may madisgrasya pa bago madala? ‘Yung tipong todo-ingat ka, pero ikaw ang talo dahil sa kapabayaan ng iba. Tsk!
Kung gusto nating maging matino ang lahat ng drayber, disiplinahin kapag may pagkakamali. At kung kailangang umabot sa bawian ng lisensiya, bakit hindi?
Panawagan sa mga kinauukulan, taasan ang standard sa pagkuha ng driver’s license upang makasiguro na may sapat na kaalaman sa pagmamaneho ang kumukuha ng lisensiya. Hindi ‘yung konting paandar lang ng motor, oks na.
Gayundin, kapag may nakaengkuwentrong ganito, sitahin at huwag kunsintihin.
Ang sidewalk ay para sa mga pedestrian at hindi para daanan ng mga nakamotorsiklo na gustong makaiwas sa trapik.
Lahat tayo ay galit sa trapik at alam natin na ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya para masolusyunan ito, kaya sana, huwag na tayong dumagdag pa sa problema.
Kung may sasakyan ka, mabuti para sa‘yo, pero sana, huwag itong abusuhin dahil ang pagpapasaway sa kalsada ay walang maidudulot na maganda.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments