Condo, hotel at bgy. hall gumuho sa Magnitude 6.5.. Lindol hanggang pasko - Phivolcs

Nagbabala ang Phivolcs na posible pang umabot hanggang sa Pasko ang aftershocks na nararamdaman sa Mindanao.
Ayon kay Phivolcs Seismology Division-OIC Ishmael Narag, asahan pa ang mga aftershocks na posible pang magtagal hanggang sa Disyembre.
Samantala, muling niyanig ng malakas na lindol ang Mindanao Region kung saan apat ang nasawi kabilang ang isang barangay chairman sa Tulunan, North Cotabato, kahapon ng umaga. Kinilala ang nasawing kapitan na si Cesar Bangot ng Bgy. Batasan.
Sa nakarating na report sa NDRRMC, gumuho ang barangay hall sa kasagsagan ng Magnitude 6.5 sa Tulunan, pasado alas-9:00 ng umaga at nadaganan si Bangot ng bumagsak na debris ng gusali.
Tatlo pang indibidwal ang nasawi sa iba’t ibang lugar sa Tulunan, Davao City at Kidapawan City na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan. Walo naman ang iniulat na nasugatan na dinala sa iba’t ibang ospital. Kabilang sa kanila sina Catley Ubas, 27; Naser Enog, 27; Baswil Ledya, 60, at ang Korean national na si Park Jung O, 61.
Marami ring kalsada sa Makilala ang nakitaan ng malalaking bitak matapos ang panibagong malakas na pagyanig.
Kabilang sa ilang mga gusali na gumuho sa panibagong lindol ang Ecoland 4000 Condominium sa Davao City at ang Eva Hotel sa Kidapawan City. Habang sa Digos City naman sa Davao del Sur ay gumuho rin ang gusali ng Triple F Store kung saan nasa mahigit 30 empleyado nito ang nasaktan sa bumagsak na mga debris.
Babala ng Phivolcs.. Mas malakas na lindol
Mino-monitor na ng Phivolcs ang paggalaw ng Malungon Fault Line na kayang magdulot ng Magnitude 7.2 na lindol.
Naniniwala si Narag, na ang serye ng lindol mula noong Hulyo 9, Oktubre 16, 29 at 31 ay sanhi ng paggalaw ng fault line.
“Ibig sabihin lang nito, aside from being related, probably one fault may be triggering the other faults that essentially produce this major event,” ani Narag.
“When we analyzed ‘yung earthquake records, they showed that the mechanism suggests, pahalang ‘yung galaw noong gumagalaw na fault for this earthquake,” dagdag pa nito.
Ang nakikitang worst scenario ni Narag ay ang kakayahan ng nasabing fault line na lumikha ng mas malakas pang lindol.
Samantala, naglagay na rin ang Phivolcs ng instrumento sa ibabaw ng fault line sa Davao del Sur at Cotabato upang mabantayan ang paggalaw nito.





Comments