3 pulis na tulak, arestado

Tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakadestino sa Police Regional Office-12 ang inaresto sa drug-bust operation sa Parang, Maguindanao.
Kinilala ang mga nasakote na sina Patrolman Sandiali Mangundacan Manalao, Staff Sgt. Fahmi Bangon Como at Master Sgt. Monjel Nassal Aradais, pawang nakatalaga sa Lanao del Sur Provincial Police Office.
Ikinasa ang nabanggit na operasyon ng LDSPPO-Intelligence Branch; Provincial Drug Enforcement Unit; Parang Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region sa Bgy. Nituan pasado alas-9:00 kamakalawa ng gabi.
Batay sa isinumiteng report kay Police Regional Office 12 Director Brig. General Alfred Sotto Corpuz, agad sinunggaban ng mga nakaantabay na operatiba ang tatlong pulis nang pagbentahan ng mga ito ng shabu ang undercover agent.
Bukod sa ilang pirasong sachets na naglalaman ng shabu ay nakumpiska rin sa kotse ng tatlong pulis ang ilang piraso ng baril, ilang plaka ng sasakyan, ilang piraso ng police IDs at kanilang mga police uniform.
Matagal na umanong minamanmanan ng mga awtoridad ang mga pulis na una nang itinuturong sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.





Comments