top of page
Pokwang.jpg

Red Lions, nakaabang ng lalapain sa NCAA semis

MC
Oct 31, 2019
1 min read

Tatlong eskwelahan ang magbabakbakan para harapin ang defending champion na San Beda University (SBU) Red Lions sa NCAA Season 95 stepladder semifinals na magsisimula ngayong Martes, Nob. 5 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Maghaharap sa isang “do-or-die match” ang San Sebastian College-Recoletos (SSC-R) Golden Stags, na nakuha ang 4th place at ang nasa ikatlong puwesto na Colegio De San Juan De Letran (CSJL) Knights, na mapapanood ng live sa ABS-CBN S+A at iWant ng 4 pm.

Kung sino man ang manalo sa dalawang koponan ang kakalaban sa Lyceum of the Philippines University (LPU) Pirates, na sumegunda sa standings, para sa karapatang makaharap ang SBU sa Finals.

Naging stepladder ang semifinals ng torneo pagkatapos maipanalo ng Red Lions ang lahat ng laro sa double round eliminations sa pinagsamang lakas ng nangungunang kandidato sa pagka-MVP na si Calvin Oftana at ang kanilang point guard na si Evan Nelle.

Matarik ang aakyatin ng tatlong koponan para maabot ang Finals kontra SBU Red Lions at hindi na makapaghintay na magsimula sina Jerrick Balanza ng Letran, Allyn Bulanadi ng SSC-R, at ang kambal na Jaycee at Jayvee Marcelino ng LPU.

Para kay Balanza at Bulanadi, parehas pa nilang naiisip ang duwelo ng kanilang mga eskwelahan noong Season 93, kung saan nasulot ng Stags ang ika-apat na puwesto sa Final Four salamat sa dating big man nilang si Michael Calisaan.

Samantala, ayon naman sa kambal na Marcelino ng LPU, parehas nilang pinaghahandaan ang SSC-R at Letran at kaya nilang harapin kung sino man sa dalawang eskwelahan ang mananaig.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page