top of page

IM Quizon, hari sa Pattaya chess, ready na sa 30th SEAG Blitz

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Oct 31, 2019
  • 1 min read

Tila isinisigaw ng tinedyer na si International Master Daniel Quizon ng Pilipinas ang kanyang patuloy na paglapit sa malupit na porma para sa 2019 Southeast Asian Games Blitz Chess matapos itong tanghaling kampeon sa paspasang ahedres na bahagi ng ginaganap na Pattaya Open Chess Tournament sa Thailand.

Ipinoste ni Quizon, 15-anyos at may rating na 2208, ang siyam na panalo at isang tabla mula sa 11 rounds ng bakbakan para hiranging runaway winner ng event.

Kasama sa mga dinaig ng Pinoy sina Grandmaster Roy Saptarshi (rating: 2401) ng India, Ukranian ace Volodymyr Yaniuk (rating:2225), FIDE Master Nelson Mariano lll (rating: 2283), FM Diony Habla (rating:2251) at FM Roel Abelgas (rating: 2283).

Nauna rito, pumasok sa finals si Quizon matapos mangibabaw sa Blitz A na grupo samantalang si Mariano ang umangat sa Blitz B na pangkat.

Tatlong bansa lang ang nakapagpadala ng kinatawan sa finals: India, Ukraine at Pilipinas.

Ang dominasyon ni Quizon sa event ay nakamarka sa pagkakaroon nito ng performance rating na 2456 at dala na rin ng isang buong puntos na kalamangan niya sa sumegundang si GM Saptarshi.

Pumangatlo si Pinoy FM Severino Sander matapos madaig sa tiebreak kontra sa naipon ng topseed na kalahok ng India.

Samantala, sa 2019 ASEAN Standard Chess Championships na sumusulong sa Vietnam, si IM Paulo Bersamina (rating: 2457) ang bumabanderang mag-isa sa mga kalalakihan habang nasa pangalawang posisyon si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (rating: 2206) sa sagupaan ng mga lady woodpushers.

Apat na Vietnamese ang kasama nina Bersamina at Frayna sa top 5 ng kani-kanyang dibisyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page