Sorpresang drug test sa mga drayber at konduktor, gawing regular hindi pang-holiday lang!
- Ryan B. Sison
- Oct 30, 2019
- 2 min read

Puspusan na ang paghahanda ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa paggunita ng Undas.
Kaugnay nito, nagsagawa ng “Undaspot” o sorpresang drug test sa mga bus terminal ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan mahigit 30 drayber at konduktor ang nagpositibo.
Dahil dito, pinigilan ng PDEA ang mga drayber at konduktor na nagpositibo sa drug test na bumiyahe.
Isinagawa ng ahensiya ang sorpresang drug test sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City at Pasay City.
Ito ay kabilang sa mga hakbang ng ahensiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na bibiyahe para gunitain ang Undas sa kani-kanyang probinsiya.
Pinangunahan ni PDEA Deputy Director General for Operations Gregorio Ramos-Pimentel ang drug test, gayundin ang K-9 sweeping sa JAC Liner Bus Terminal at Philtranco sa Pasay City at sa Partas Bus Terminal at Five Star Bus Terminal sa Cubao.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, katuwang nila sa implementasyon ng “Undaspot” ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Gayundin, layon nitong hindi magamit ng mga drug trafficker ang pagdagsa ng pasahero sa mga terminal para sa transportasyon ng ilegal na droga.
Ang mga nagpositibong tsuper at konduktor ay sasailalim sa confirmatory test saka papatawan ng kaukulang aksiyon.
Samantala, panawagan naman sa awtoridad, dapat siguraduhin na maaaksiyunan ang mga nagpositibong tsuper at konduktor para hindi maging wa’ ‘wenta ang hakbang na ito.
Huwag nating hayaan na dumami pa ang mga adik na drayber dahil sa totoo lang, sila rin ‘yung madalas na kaskasero at walang pakundangan sa kalsada kaya ang ending, kawawa ang mga pasahero dahil kapag nasangkot sa aksidente, nasusugatan o ang mas masaklap, namamatay.
Hirit naman ng ilang komyuter, hindi lang ito sa mga bus driver dapat gawin dahil pati sa lahat ng drayber ng pampublikong transportasyon ay dapat isunod na rin.
Gayundin, regular itong gawin, hindi ‘yung tuwing may holiday lang. Huwag nating hintayin na mapahamak ang mga pasahero dahil sa bisyo o kapabayaan ng iba.
Tandaan, bumibiyahe ang mga pasahero para makauwi at makasama ang kanilang pamilya sa mahahalagang araw at hindi para paglamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments