Mga kaso ng riding-in-tandem, hindi rason para 'di gumamit ng helmet ang mga riders
- Bong Revilla
- Oct 30, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Mula nang maging batas ang ‘Helmet Law’ o ang Republic Act No. 10054 na tayo mismo ang may-akda ay malaki na rin ang naging pagbabago sa hanay ng mga gumagamit ng motorsiklo.
Lalo na noong bagumbago ang batas na ito ay kitang-kita ang pagtalima ng nagmomotor at mga traffic enforcers na dapat ipatupad ang naturang batas. Ngunit, sa paglipas ng panahon ay tila marami na ang nakalilimot.
Malaki rin ang posibilidad na maraming bagong gumagamit ng motorsiklo ang hindi talaga alam ang ‘Helmet Law’ dahil sa biglaang pagdami ng motorsiklo sa kalye na kahit walang down payment ay nakabibili nito ang sinumang may gusto.
Sa biglang pagdami ng nagmomotor, biglaan ding nagsulputan ang pinakabagong uri na binansagang “kamote riders.” Ito ‘yung kung hindi natuto lang mag-start ng engine ng motorsiklo ay nagmamaneho na sa kalye o kung hindi naman ay ‘yung masyadong matitigas ang ulo at sobra-sobra ang bilib sa sarili.
Ang mga ito ang sanhi ng kaguluhan sa lansangan, puno’t dulo ng peligro sa kalsada at ang nakalulungkot, nagiging kasangkapan ni kamatayan sa pagkitil ng buhay.
Madalas pa, ang tropang ‘yan ang mga ayaw mag-helmet. Meron din d’yan na kung may helmet man ang driver ay wala naman ang angkas nito na bawal din at malinaw na nakasaad ito sa ipinasa nating batas. Baka akala nila, sapat na ang tigas ng kanilang bumbunan.
Noong kainitan ng Helmet Law, halos lahat ng kanto ay may mga enforcers na naninita at maging klase ng helmet ay tinitingnan at hindi pinapayagan ang mga helmet noon na galing sa bangketa, dapat may sticker ng Department of Trade and Industry (DTI) para masigurong matibay ang helmet.
Pero ngayon, balik na naman sa kalye ang mga gumagamit ng mga helmet na nabibili sa bangketa at hindi dumaan sa DTI na kapag nabitiwan lang ay nababasag na agad.
Hindi mahalaga sa mga kamote drivers kung peke o madaling mabasag ang suot nilang helmet dahil ang mahalaga sa kanila ay huwag mahuli ng pulis dahil walang suot na helmet at bahala na kung maaksidente. Ang iba naman, nagsuot lang ng helmet pang-skateboard, akala, ayos na.
Kaya natin isinabatas ang Helmet Law ay upang bigyang-proteksiyon ang mga riders. Hindi naman kayang makipagtalo sa datos ng mga pag-aaral na may karagdagang 60% pagkakataon na makaligtas sa aksidente ‘pag naka-helmet.
Ang nakakapagtaka, nakatanggap tayo ng report na may mga bayan sa ilang lalawigan na ipinagbabawal naman ang helmet dahil sa kaso ng riding-in-tandem na kung hindi manghoholdap ay pumapatay. Hindi maaaring mangibabaw ang ordinansa sa umiiral na batas.
Ipatatawag natin sa Senado ang mga mayor o gobernador na hindi ipinatutupad ang batas na ito at kailangang magpaliwanag sila kung bakit sa helmet nila isinisisi ang pag-atake ng riding-in-tandem.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments