Buntis na baboy at umaani ng palay, sign na magiging masagana ang buhay
- Socrates Magnus
- Oct 30, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Rebecca ng Rebecca_Roque@face-book.com
Dear Professor, Nakakita kami ng buntis na baboy at may nadaanan kaming maraming tao na umaani ng palay.
Tapos, may lalaking baboy at inaway niya ‘yung buntis na baboy, tapos nasubsob kami sa putikan. Ano ang ibig sabihin nito? Maraming salamat!
Naghihintay, Rebecca
Sa iyo Rebecca, Sa kulturang Pinoy, ang baboy ay simbolo ng kasaganahan kaya maghanda ka na dahil ang masaganang buhay ay paparating na sa iyo.
Ito ay kinukumpirma ng buntis na baboy na madalas na nating ibinabahagi sa kolum na ito kung saan ang buntis sa panaginip ay nangangahulugan na dumating na ang takdang panahon para isilang ang magandang kapalaran.
Ang baboy na lalaki na nang-away sa buntis ay maihahalintulad sa universal truth kung saan palaging hinahadlangan ang pagdating ng bida. Halimbawa, ang sikat na pelikulang Terminator kung saan may taong bakal na ang layunin ay hadlangan ang pagdating ng tagapaglitas sa sangkatauhan.
Kaya ang lalaking baboy ay si Terminator at ang buntis na baboy ang ina ng tagapagligtas kaya gusto itong patayin ni Terminator.
Ganyan kaganda ang mga panaginip na naglalarawan na magaganap sa buhay ng nanaginip. May isa pang maganda sa panaginip at ito ay ang umaani ng palay na isa ring simbolo ng masaganang buhay.
Ang senaryo na umaani ng palay ay patok sa mga alagad ng sining dahil marami ang bumibili ng nasabing larawan para i-display sa kanilang bahay dahil ito ay simbolo ng masaganang kapalaran.
Ang nasubsob ka sa putikan ay nagpapaalala sa iyo na ang tao ay mula sa lupa, mula sa putik, hinubog ni God at naging magandang nilalang kung saan ang mensahe para sa iyo ay manatili kang nakasayad sa lupa at huwag kang maging mapagmataas kapag ang buhay mo ay naging masagana.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments