Singapore at Malaysia, umatras sa 30th SEAG women’s volleyball
- VA / Gerard Arce
- Oct 29, 2019
- 2 min read

Dahil sa ginawang pag-urong ng bansang Singapore, apat na koponan na lamang ang maglalaban sa darating na 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Disyembre.
Ang balitang ito ang ipinabatid ng pamunuan ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. nang dumalaw sila sa Japan sa national women’s volleyball team na naroon para sa 12-day training.
Kaugnay nito ay inihayag na rin nila ang schedule ng mga laro ng Nationals sa biennial games.
Base sa mga naunang naglabasang ulat online, inihayag ni LVPI secretary general Ariel Paredes na gaya ng naunang nag-withdraw na Malaysia, umurong na rin sa kanilang partisipasyon ang women’s team ng bansang Singapore.
Kaya naman apat na koponan na lamang na kinabibilangan ng defending champion Thailand, Vietnam, Indonesia at ang ating women’s squad ang maglalaban.
Ang unang makakaharap ng ating koponan na binubuo nina Alyssa Valdez, team captain Aby Marano, Majoy Baron, Kalei Mau, Dawn Macandili, Rhea Dimaculangan, Mika Reyes, Mylene Paat, Maddie Madayag, Ces Molina, Kath Arado at Jia Morado ang mga Vietnamese sa Disyembre 3, kasunod ang Thailand sa Disyembre 5 at Indonesia sa Disyembre 7 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Magtutunggali ang apat na koponan sa single round robin kung saan ang dalawang koponang mangingibabaw ang maghaharap para sa gold at ang dalawang maiiwan ang magtutuos para sa bronze.
Samantala sa men’s division, pitong koponan naman na hinati sa dalawang grupo ang maglalaban-laban.
Napabilang ang Philippine men’s volleyball team sa Pool B kasama ng Cambodia, 2017 Kuala Lumpur Seagames second placer Indonesia at bronze medal winner Vietnam.
Napabilang sa Pool A ang Myanmar, Singapore at reigning titlist Thailand.
Ang dalawang mangungunang mga koponan sa bawat grupo ay uusad sa crossover semifinals kung saan ang magwawagi ang siyang magtutuos para sa gold.





Comments