top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Pangangalaga sa kalikasan obligasyon ng lahat para sa ating kaligtasan

Kuya Win Gatchalian
Oct 29, 2019
3 min read

Mahigit tatlong dekada nang itinuturo sa mga paaralan ang pag-aaral sa kapaligiran o mas kilala sa tawag na ecological literacy.

Patuloy na pinaiigting ang pagpapalawak ng kaalaman sa epekto ng pagbabago ng klima o climate change. Ngunit, walang tigil pa ring nananalasa ang mga epekto nito sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi biro ang malawakang pagsubok na ito at ang kinakailangang kooperasyon ng mga bansa upang magkaisang kumilos sa paglutas ng malaking suliranin ng pagkasira ng ating mundo.

Alam natin na ang dahilan ng climate change ay ang pag-iinit ng mundo o ang global warming na may negatibong pinsala sa buhay ng tao, hayop at kalikasan.

Ngunit, hindi maikakailang dulot din ito ng sari-saring gawain ng bawat isa sa atin kaya nararanasan ang matitinding epekto tulad ng polusyon, pagbaha, pagkamatay ng mga hayop sa tubig at lupa, pagkatunaw ng yelo sa Antarctica at marami pang iba.

Isa sa mga dahilan ng kawalan ng disiplina sa sarili at pagtutulungan ng isa’t isa upang labanan ang climate change ay ang kakulangan ng aksiyon kahit pa may mga ginagawang proyekto para magbigay ng karapat-dapat na impormasyon ang gobyerno, maging ang mga non-government organization.

Sa madaling salita, walang patid na edukasyon ang dapat nating patuloy na ginagawa upang mas maintindihan kung gaano kahalaga at kaseryoso ang usaping ito. Kung hindi natin papansinin ang reyalidad ngayon, hindi malayong mangyari na labis na maaapektuhan ang mga susunod na henerasyon at ang mga susunod pa rito.

Sa ating bansa, isa sa mga hakbang ay ang pag-obserba at pagsunod sa Republic Act No. 9512 o ang National Environmental Awareness and Education Act of 2008. Ito ang batas na ipinalalaganap ang edukasyon sa kapaligiran.

Mayroon din ang Department of Education (DepEd) na Memorandum Order No. 52 na nagpapatupad sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na manguna sa pagsasagawa ng mga gawain ng mga mag-aaral na mag-alaga at magprotekta ng kapaligiran.

Kabilang na rito ang matinding pagtuturo sa Science subject kung saan inaatasan ang mga guro at opisyal ng paaralan na magsagawa ng mga classroom drill, diskusyon at aktibidad na may kaugnayan sa climate change alang-alang sa mga mag-aaral at kanilang pamilya.

Hinihikayat din ang mga guro na dumalo sa mga lecture-seminar, workshop at pagpupulong at pagtatayo ng mga organisasyon na tututok sa mga inisyatibong may kontribusyon sa pag-unlad ng kapaligiran tulad na lamang ng pag-aalaga at pagtatanim ng mga puno.

Isa na rito ang “A Million Tree Challenge” ng DepEd kung saan bawat estudyante ay inaasahang makapagtanim ng isang puno sa kanilang mga paaralan at komunidad.

Ngunit, ilan lamang ito sa marami pang ibang pamamaraan na hindi lamang nakatutulong sa ating kapaligiran kundi humihikayat din ng positibong pananaw tulad ng pakikipagkapwa-tao, pagmamahal sa iba at pagmamalasakit sa ating mundong ginagalawan.

Habang patuloy nating sinusuportahan ang mga proyekto ng gobyerno at mga komunidad na naglalayong makatulong sa paglutas ng sakit sa ating mundo, tayo ay patuloy ding nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang mapag-aralan ang nararapat na polisiya nang maibsan ang pagbabago ng klima at mga nakaaalarmang epekto nito sa bawat bansa, siyudad at indibidwal.

Naniniwala tayong ang maliliit na kilos ay unang hakbang tungo sa malalaking solusyon. Kaya naman, anuman ang edad, kasarian at katayuan sa buhay ay gawin natin ang ating parte sa pangangalaga ng ating kapaligiran sa abot ng ating makakaya!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page