Pangarap ni dating Sen. Pimentel, nabaon na sa hukay
May isang barangay na para sa atin ay may kakaibang pangalan — Barangay Damayan Lagi at kakaiba rin ang pangalan ng kanilang kapitan, si Kap. Boy Tanyag.
Kamakailan, sa ating homily, pinagnilayan natin ang dalawang nasabing pangalan. Sinabi nating sana ay ganito sa lahat ng oras ang kanilang barangay dahil hindi magandang mapalitan ito ng “Barangay Damayan Minsan” at tumawa ang mga nakikinig. At sa mahal nating kapitan, alam nating ang salitang “tanyag” ay katangiang natatamo kung meron tayong ginawang mabuti o masama. Kumbaga, “tanyag” na kilala sa kabutihan o “tanyag” na kilala sa kalokohan. Bago matapos ang banal na pagdiriwang, iniwanan natin ng hamon ang mga nakikinig, “palagi kayong ‘magdamayan palagi’. At para naman sa mahal nating kapitan, maging ‘tanyag’ sana kayo sa paggawa ng tama at mabuti.”
Kamakailan, pumanaw ang isa sa mabubuting pulitiko sa katauhan ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. sa edad na 85. Nakilala siya sa kanyang matapang at matibay na oposisyon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. Hindi siya basta nanahimik at palagi siyang tumututol sa mga polisiya ni ex-P-Marcos na hindi niya matanggap dahilan upang ilang ulit itong nakulong.
Mahalaga para sa kanya ang demokrasya, ganundin ang kalayaan ng responsableng pamamahayag. Hindi maaaring matalo at matabunan ang katotohanan ng kasinungalingan at katahimikan ng mga natatakot. Kaya sa kanyang buong buhay bilang lider, kakaiba siya.
Hindi tayo dapat masilaw o matakot sa sinumang nagsasabing mataas o makapangyarihan sila kaysa sa atin. Iisa lang dapat ang pinakamataas at makapangyarihan, ito ay walang iba kundi ang Diyos. Mahalagang kilalanin natin ang paghahari ng Diyos dahil kung hindi ay madali tayong mapaniniwala sa mga diyus-diyosan.
Hindi nawala sa dating mambabatas ang kanyang pananalig sa Diyos. Merong kuwento tungkol sa kanyang “house arrest” noong panahon ng diktaduryang Marcos. Araw-araw daw siyang nagsisimba kasama ang kanyang asawang si Bing. Sinusundan o ini-escort-an pa raw sila ng mga sundalo mula sa kanilang bahay hanggang sa simbahan at inaabangan ang kakaibang eksenang ito ng mamamayan. Hanggang sa huling sandali niya, nais niyang matupad ang kanyang pangarap na mapalitan ang kasalukuyang sistema ng politika sa Pederalismo, pero hindi ito nangyari.
Anuman ang tayog ng kanyang pangarap, anuman ang ganda at kulay ng kanyang nakaraan ay natapos na rin ang kanyang buhay. Gayunman, bago matapos ang ating mahabang paglalakbay, nawa’y mapuno tayo ng kababaang-loob at malasakit sa kapwa at sa bayan.
Sa totoo lang, biyayang maituturing ang katapusan ng buhay at harinawa’y marinig natin ang tinig ng Diyos na nagsasabing, “ganundin naman kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyong kami ay mga aliping walang kabutihan na tumupad lamang sa aming tungkulin.” (Lukas 17:10)
Kapag tinupad mo ang iyong tungkulin — ginawa mo ito nang tama at mabuti, ikaw ay palaging maaalala at mananatiling tanyag hindi man sa paningin ng iba, pero sa mga mata ng Maykapal na tunay na marunong magpahalaga.





Comments