Mga Pinoy, kulang sa kaalaman, HIV parami nang parami ang biktima

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Palaki nang palaki ang problema natin hinggil sa patuloy na pagdami ng biktima ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa kabila ng napakaraming panawagan hinggil dito.
Sa pagpasok ng 2019, karagdagang 1,000 bagong kaso ng HIV ang naitala ng Department of Health (DOH), pero tila wala itong epekto sa ating mga kababayan, marami pa rin ang nagkakaroon nito.
Hindi tulad noong unang lumabas ang HIV na halos lahat ng tao ay takot na takot sa sakit na ito at lahat ng bagay na posibleng makahawa ay kinatatakutan din. Kumbaga, tila napraning ang mga tao hinggil sa nakahahawang sakit.
Marahil, malaki ang epekto rito ng socmed kung saan sa isang iglap lang, may ka-date na ang indibidwal — nariyan ang Facebook na madaling mapasok ng sex group na nagtatago sa iba’t ibang pangalan na walang ibang pakay kundi ang mag-alok ng panandaliang-aliw.
Bukod pa riyan, ‘yung mga ‘dating sites’ na ilang minuto ka lang makipag-chat, tiyak na may ka-date na at hindi rin tayo sigurado kung sinu-sino ang mga nagsisisali roon.
Ang masaklap, hindi lahat ng nagpupunta sa mga chat rooms ay gusto lang makipagkaibigan o makipagkilala dahil mas marami ang gusto ay sex trip lang at wala silang pakialam kung sino at kung saan ka galing.
Idagdag pa natin ang mga bugaw na mula sa iba’t ibang antas ng buhay — mula mahirap hanggang sa pinakamayayaman ay may mga partikular na bugaw na pare-parehong nag-aalok ng pansamantalang ligaya depende sa ‘badyet’.
Hindi pa kasali rito ang mga shopping malls na pinamumugaran ng mga babaeng nagbebenta ng panandaliang-aliw kung saan kahit tanghaling-tapat ay nakahilera sa mga food courts at sa isang kindat lang ay may katalik ka na.
Sa pagkakataong ito, tayo ay labis na nag-aalala dahil sa pinakahuling ulat ng DOH-Epidemiology Bureau, sa 1,092 na nahawahan ng HIV, 53 sa mga ito ang kumpirmadong nasawi at posibleng tumaas pa ito bago matapos ang taon.
Hindi ba, kamakailan lamang ay nagkaroon ng anunsiyo ang DOH na nagkakaubusan na ng gamot para sa 38,000 pasyente ng HIV sa bansa at hindi natin kumpirmado kung dumating na ang bagong in-order na gamot?
Alam nating kayang-kaya ng DOH na harapin ang mabilis na paglobo ng mga pasyenteng may HIV, ngunit, bakit hindi natin buhayin ang awareness para sa kabataan para hindi na sila mabiktima ng naturang sakit?
Naniniwala tayong kakulangan ng kaalaman ang unang dahilan kaya marami ang nabibiktima ng HIV at ‘yan ay dahil tila tumamlay ang mga programa hinggil sa naturang sakit.
Kung muli nating bubuhayin ang pagpapaalala sa nakamamatay na HIV, naniniwala tayong maiibsan ang patuloy na paghawa ng nakamamatay na sakit.
Sana, malaman ng ibang lalaki kung gaano nakakatakot ang paggamit ng iba’t ibang babae. Baka kapag ipinagpag mo, wala na ang ipinagmamalaki mo?
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments