top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Mga ginibang tindahan sa sementeryo, bigyan ng maayos na puwesto

Ryan B. Sison
Oct 28, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Ilang araw na lang at Undas na kaya naman ang mga bibisita sa mga yumaong kaanak ay kani-kanyang paghahanda na at ang ilang nagnenegosyo sa sementeryo ay ganundin dahil inaasahan ang pagdagsa ng tao.

Kabilang na rito ang sepulturero na si “Onyok” na kasama sa halos 7,000 nakatira sa Manila North Cemetery.

Aniya, P50 kada buwan o P600 kada taon ang karaniwang singil sa nagpapaalaga ng nitso na apartment type at P100 kada buwan o P1,200 kada taon naman kung lote ang aalagaan.

Dagdag pa niya, inaabot ng 300 puntod ang kanyang inaalagaan kaya para sa tulad niyang sepulturero, maituturing na Pasko ang Undas.

Samantala, sa paglilinis at pagpipintura ng nitso naman kumukuha ng dagdag-kita si Arthur, pero dahil marami siyang kakumpitensiya, madalas siyang dumayo sa ibang sementeryo.

Pero kung may masaya, may mga umaaray din tulad ng mga nagbabantay ng shortcut papasok ng sementeryo dahil ipinagigiba na ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ayon sa tinderong si Richard, namumroblema siya nang ma-demolish ang kanyang tindahan sa sementeryo dahil sa ‘zero-vendor policy’.

Gayundin, inutang lang niya ang puhunan para sa tindahan.

Kung tutuusin, wala namang may gusto na tumira sa sementeryo at matulog katabi ng mga puntod, pero dahil sa hirap ng buhay, wala silang choice kundi magtiis sa ganu’ng sitwasyon upang maitaguyod ang bawat araw.

Gayundin, nakakaawa ang mga nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon, kaya sana, huwag silang pabayaan ng pamahalaan.

Bigyan sila nang maayos na puwesto dahil kung tuluyan silang mawawalan ng kabuhayan, baka sa halip na magtrabaho nang marangal, kapit sa patalim ang kanilang maging gawain.

Panawagan sa lokal na pamahalaan, huwag puro pagbabawal, alamin din kung ano ang dahilan kung bakit walang choice ang mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page