top of page
Pokwang.jpg

IM Bersamina at WGM Frayna hindi kumukurap sa Asean Cup

Eddie M. Paez, Jr.
Oct 28, 2019
2 min read

Patuloy sa pag-angat ng antas ang paghahanda ng chessers na sasandalan ng bansa sa nalalapit na SEA Games at kasalukuyang sumasabak sa mga malulupit na torneo sa labas ng bansa.

Sa teritoryo ng pinakamahigpit na karibal na Vietnam, hindi kumukurap sina International Master Paolo Bersamina at Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna upang makasosyo ang mga Vietnamese sa paghawak sa liderato ng ginaganap na ASEAN Men’s at Women’s Chess Championships bitbit ang impresibong mga kartada pagkatapos ng tatlong laro.

Si Bersamina ay may naipong dalawang panalo at isang draw para maging bahagi ng nangungunang pulutong ng mga kalalakihan habang walang duming 3.0 puntos naman ang nakadikit sa pangalan ni Frayna sa bakbakan sa kababaihan.

Dalawa pang magdadala ng tatlong kulay ng Pilipinas sa SEAG ay sina untitled David Elorta at Women International Master Catherine Secopito na kasalukuyang kalahating puntos lang ang layo sa trangko at mataas pa rin ang tsansa sa podium.

Pawang mga kinatawan ng Vietnam (dalawa sa men’s at tatlo sa women’s division) ang kasama ng dalawa sa nangungunang pulutong.

Samantala, inaasahang tataas ang FIDE rating ni IM John Marvin Miciano dahil sa performance sa katatapos na 2019 World Junior Under-20 Chess Championships sa India.

Bagamat no. 57 lang sa pre-tournament seedings, tumapos si Miciano (rating: 2345) sa pang-32 na puwesto sa paligsahang nilahukan ng may 94 junior chessers mula sa iba’t-ibang bahagi ng globo.

Nasikwatan ng Pinoy ng puntos ang mga higher rated na mga karibal tulad nila IM Mahammad Muraldi (1-0; rating: 2459) ng Azerbaijan; Indian IM Sarkar Rajdeep (1-0; rating: 2384); German GM Dmitrij Kollars (0.5-0.5; rating: 2587); Croatian IM Sven Tica (0.5-0.5; rating:2418) at Denmark pride IM Martin Percivaldi (0.5-0.5; rating:2391).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page