3 kandidato bilang PNP Chief, i-lifestyle check
DAPAT MAGPA-LIFESTYLE CHECK ANG TATLONG CONTENDERS SA PAGKA-PNP CHIEF—Hinamon ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na magpa-lifestyle check ang tatlong contenders sa pagka-PNP chief na sina PNP-Officer-in-Charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa, Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Cascolan at Directorial Staff Chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Maganda ang suhestiyon na ‘yan ni Cong. Yap kasi sa lifestyle check malalaman kung sino sa kanila ang walang tagong yaman — ‘yun ang dapat gawing PNP chief ni P-Duterte at kung sino naman ang may kahina-hinalang ‘kayamanan’, aba, dapat imbestigahan kung saan nagmula ang kanilang kayamanan, period!
◘◘◘
PANANAKIT NG LIKOD NI P-DUTERTE, PANGGU-GOOD TIME LANG SA DILAWAN?—Ang hirit ng oposisyon, kailangan daw isapubliko ang lagay ng kalusugan ni P-Duterte matapos na biglaan siyang umuwi ng Pilipinas mula Japan dahil sa pananakit ng kanyang likod, pero ang tugon dito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na raw kailangang maglabas ng medical bulletin ang Malacañang dahil maayos daw ang kalagayan ng pangulo.
Kung totoong maayos ang lagay ni P-Duterte, lumabas na ginu-good time lang pala ng pangulo ang dilawan na siya ay may sakit, boom!
◘◘◘
APRUB NA ANG DAGDAG-SUWELDO SA MGA NURSE, PERO WALA PALANG PANDAGDAG-SUWELDO SA KANILA ANG DOH—Inihayag ni DOH Sec. Francisco Duque III na hindi raw nila maipatutupad ang desisyon ng Supreme Court (SC) na gawing P30, 531 ang dating P13,500 na suweldo ng mga nurse dahil kapos daw ang pondo ng DOH.
Ang saklap naman kasi mantakin ninyo, aprub na sa SC ang dagdag-suweldo sa mga nurse, pero ang problema, wala naman palang pondo para rito ang DOH. Hu-hu-hu!
◘◘◘
BUREAU OF CUSTOMS, NALUGI NG P234 BILYONG TAX COLLECTION, SAKLAP!—Ibinulgar ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na sa nakalipas daw na dalawang taon ay nalugi ng mahigit P234 bilyon sa tax collection ang Bureau of Customs dahil sa “benchmarking” na pumapabor sa mga smugglers at “tara” system sa mga “buwaya” sa Adwana.
Patunay ang ibinulgar na ‘yan ni Cong. Marcoleta na hindi pa rin natitigil ang korupsiyon sa Customs, buwisit!





Comments