GM Villamayor at IM Pascua, lider na sa Pattaya Chess
- Eddie M. Paez, Jr.
- Oct 27, 2019
- 1 min read

Inirehistro ng mga Pinoy chess warriors na sina Grandmaster Buenaventura Villamayor at International Master Haridas Pascua ang apat na magkakasunod-sunod na panalo upang pagsaluhan ang liderato pagkatapos ng apat na yugto sa Open Division ng 2nd Pattaya Chess Championships sa Bay Beach Resort ng Pattaya, Thailand.
Sinikwatan ng tagumpay ni 5th seed Villamayor, dating Asian Jr. chess king at may rating na 2371, sina Singaporean CM Cyrus Nisban, Thai Tupfah Khumnorkaew, American John Langrek at Naung Thet ng Myanmar samantalang nagbigay ng leksyon si Pascua (3rd ranked at may rating na 2425) kina Thoetsak Wongsawan (Thailand), Tom Barbe (Belgium), FIDE Master Jony Habla (Pilipinas) at SEA Games-bound at Pinoy bet IM Daniel Quizon para sa pagsososyo nila sa trangko.
Maghaharap sa round 5 sina Villamayor at Pascua.
Matapos na iposte ng mga musmos na sina Wayne Ruiz at Ruelle Canino ang isang 1-3 na pagtatapos sa U12 na kategorya, tila hindi nagpapabaya ang mga kuya nila dahil bukod kina Villamayor at Pascua, nakatutok din sa trangko at may malaking tsansang makaupo sa podium ang mga Pinoy na sina GM John Paul Gomez (rating: 2433), at dalawang untitled na disipulo ng ahedres na sina Robert Franz Grafil (rating: 2231) at Louie Salvador (rating: 2257) na pare-parehong may hawak na 3.5. puntos.
Kasama rin sa pulutong na ito at planong pigilan ang planong dominasyon ng mga Pinoy sina German GM Gerehard Schebler (rating: 2398), Thai FM Thanadon Kulproethanon (rating: 2261), Myanmar ace Naung Thet (rating: 2271) at Untitled Krainian Volodymyr Yaniuk (rating: 2189)





Comments