top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Babala sa mahilig mag-online shopping: Bogus seller, uso na rin!

  • Ryan B. Sison
  • Oct 27, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kung noon ay pinag-iingat ang mga online seller sa mga bogus buyer o ‘yung mga umo-order, pero hindi sisiputin ‘yung seller o hindi tatanggapin ‘yung ipinadalang item, ngayon, pati ang mga buyer ay pinag-iingat na rin.

Ito ay kasunod ng panawagan ng isang biktima ng bogus seller na taga-La Union na makipagtulungan para matukoy ito.

Ayon sa biktima, ang seller ay nagpakilalang Ethel Rapada ng San Jose del Monte City, Bulacan.

Kuwento nito, bumili siya ng bag at tablet sa halagang P10, 000 at naganap ang transaksiyon sa Facebook at Messenger ngunit, nang ipinadala ng biktima ang nasabing halaga, maraming dahilan si Rapada hanggang sa nai-block na siya sa socmed.

Tuluyan umanong naputol ang komunikasyon ng dalawa hanggang sa hindi na nakuha ng biktima ang binayarang items.

Gayunman, maraming paraan para masigurong legit ang online seller dahil bago magpadala ng pera, puwedeng hingan ng kopya ng ID ang seller at makiusap kung puwedeng kalahati muna ng babayaran ang ipadadala at kapag natanggap na ang item, saka ipadadala ang kalahati.

Sa totoo lang, walang masama na hingan sila ng kaunting impormasyon na magpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan dahil karapatan n’yo ‘yun bilang buyer.

Pero kapag tumanggi itong magpakita ng anumang uri ng ID, eh, alam n’yo na.

Para sa mga bogus seller o mga walang awang nanloloko para sa pera, mahiya naman kayo!

‘Yung perang kinakabig ninyo nang walang kahirap-hirap ay pinag-ipunan at pinaghirapan ng mga binibiktima n’yo. Tsk!

Ngayong bentang-benta na naman ang online shopping, paalala sa mga mamimili, hindi lang mga produkto ang dapat suriin dahil sa panahon ngayon, pati ang mga seller ay dapat na ring kilalanin.

Ang ganitong uri ng panloloko ay maaaring matuldukan kung magtutulungan ang mamimili at kinauukulan.

Kumbaga, kapag nabiktima ay agad ipaalam sa mga awtoridad upang maaksiyunan.

Gawin ito upang hindi na dumami ang mabibiktima, gayundin, para ang mga salot sa lipunan ay maubos na.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page