3 mag-uutol pinagsasaksak sa peryahan
- Maeng Santos
- Oct 27, 2019
- 1 min read

Tatlong magkakapatid at dalawa nilang kaanak ang sugatan matapos pagsasaksakin ng tatlong helper ng isang peryahan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Tondo Medical Center si Rogelio Capoquian, 25, mga kapatid na sina Jayson, 27, at Jermie Niño, 23, at kanilang pinsan na sina Nilo de Andres, 21, at Jess Sevilla, 21, pawang mga residente ng Bgy. Catmon.
Sa ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Richard Andrew Calaycay kay Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao, alas-8:30 ng gabi, naglalaro si Rogelio ng larong barya sa mini-carnival sa loob ng parking lot ng isnag mall sa Bgy. Tinajeros nang pagsabihan siya ni John Errol Abuyen, 19, perya helper, na huwag ilagay ang kanyang kamay sa board game.
Nauwi ang dalawa sa komprontasyon at nang mapansin ni Rogelio na tila pagtutulungan siya ni Abuyen at dalawang kasamang helper na sina Renato Corpuz, 23, at Marlon Lucañas, 21, ay humingi ito ng tulong sa kanyang mga kapatid at dalawang pinsan na agad nagpunta sa naturang lugar saka kinompronta ang mga suspek.
Gayunman, naglabas ng patalim ang mga suspek at pinagsasaksak sa katawan ang mga biktima.
Naaresto naman ang mga suspek ng rumespondeng mga tauhan ng PCP 4.





Comments