Young Azkals, sasabak sa Phl U-22 Football League

Bilang paghahanda para sa 30th Southeast Asian Games, sasabak ang Philippines Under-22 Football Team sa 2019 Philippines Football League Copa Paulino Alcantara na magsisimula ngayong Sabado sa Aboitiz Field sa Lipa City, Batangas. Susukatin ng Young Azkals ang husay kontra sa mga batikang koponan ng PFL sa pangunguna ng defending cup champion Kaya Iloilo.
Bubuksan ng Kaya ang depensa ng kanilang korona sa 4:00 p.m. laban sa Philippine Air Force. Susundan agad ng tapat ng bagong koronang kampeon ng PFL na Ceres Negros kontra Mendiola 1991 sa 7:00 p.m.
Kailangan pa maghintay ng isang araw ang Young Azkals bago nila harapin ang Green Archers United sa nag-iisang laro sa Linggo sa Aboitiz simula 4:00 ng hapon. Nabunot sila sa Grupo A kasama ang Ceres, Mendiola 1991 at Green Archers habang nasa Grupo B ang Kaya, Air Force at Stallion Laguna.
Maglalaro ang mga koponan ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo ay tutuloy sa crossover semifinals sa Nob.10. Susunod agad ang championship ng Copa sa Nob. 16.
Ang Young Azkals ay binubuo ng karamihan ay mga bituin ng mga paaralan ng NCAA at UAAP sa pangunguna ni forward Jarvey Gayoso ng Ateneo de Manila University. Sumali rin ang koponan sa AFF Under-22 Championship noong Pebrero, ang qualifiers para sa 2020 AFC Under-23 Championship noong Marso at ang Merlion Cup sa Singapore noong Hunyo.





Comments