Suweldo ng mga opisyal, naipatalo, nagdrama na naholdap.. Sabungerong bgy. treasurer, kulong
- Jeff Tumbado
- Oct 26, 2019
- 1 min read

Arestado ang isang treasurer ng San Isidro sa bayan ng Iriga sa Camarines Sur matapos nitong ipatalo sa sabungan ang mahigit P200,000 pampasuweldo sa mga opisyal ng barangay.
Kinilala ang suspek na si Gabriel Vargas, na nabuking ang gawa-gawang insidente ng panghoholdap sa kanya.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Elmer Mora, Martes ng hapon nang magtungo sa presinto si Vargas para isumbong na naholdap umano siya.
“Tinignan namin ‘yung area kung saan siya hinoldap. May CCTV doon, ni-review namin ‘yung footages ng CCTV. Tatlong beses siya pabalik-balik sa area, may kausap siya sa telepono. Nagduda kami. Sabi ko, kung hoholdapin ka sa isang lugar, dapat isang pasada lang, isang daan ka lang,” ani Mora.
Nakuha sa footage ng CCTV ang biglang pagsulpot sabay pagpukpok ng bato ng lalaki sa ulo ni Vargas habang ito ay may kausap sa telepono.
“‘Yung suspek na supposed to be na pumalo sa kanya, nahuli namin. Du’n namin nalaman na siya pala ay binayaran ng five thousand para siya ay holdapin kunwari, pukpukin siya sa ulo para mawalan siya ng malay at matumba, then, kunin daw ‘yung bag. ‘Yun ang instruction sa kanya, eh,” ani pa ni Mora.
Ang nasabing panghoholdap ay gawa-gawa lamang umano ni Vargas matapos niyang maipatalo sa sugal ang P275,000 na pampasuweldo sana sa mga opisyal ng barangay.
Nakilala ang lalaking nangholdap kay Vargas na si Jimmy Padayao.
Nabatid na matagal nang nagtatrabaho sa Barangay San Isidro si Vargas.
Desidido umano ang mga kasamahan nito sa trabaho na kasuhan siya.
Nahaharap si Vargas sa kasong obstruction of justice habang inihahanda na rin ang kaso laban sa kasabwat nito.





Comments