top of page
Pokwang.jpg

Pekeng LPG, mura nga, mapapamura ka naman dahil sa perhuwisyo

Ryan B. Sison
Oct 26, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Noon pa man, isyu na ang pagkalat ng mga pekeng liquefied petroleum gas (LPG) sa merkado.

At hanggang ngayon, hindi pa rin humihinto ang bentahan nito kahit may standards enforcement campaign at market monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Metro Manila at karatig-lalawigan.

Dahil dito, pinapayuhan ng DTI ang publiko na bumili lang ng LPG tank na nagtataglay ng Philippines Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) markings upang makasiguradong hindi peke ang mabibili.

Ito ay kasunod ng natanggap na ulat ng DTI-Bureau of Philippine Standards (BPS) at Import Commodity Clearance (ICC) na nagkalat pa rin ang LPG tanks na walang marka ng PS.

Inirereklamo ang paglaganap ng mura at hindi sertipikado at substandard na LPG tanks na may timbang na 2.7kgs. at 11kgs. na walang PS, ICC marks at ilang mandatory markings na ibinibigay ng DTI-BPS.

Samantala, hinimok din ang publiko na ipaabot sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ang mga bodega na pinaglalagakan ng pekeng LPG tanks upang magawan ng kaukulang hakbang at masampahan ng kasong kriminal.

Sa panahon ngayon kung saan mura ang bilihin, ‘yun ang pipiliin ng mamimili para makatipid kahit kaunti.

Ang problema, kahit hindi siguradong ligtas, bili lang nang bili at kapag naperhuwisyo, todo-sisi.

Kaya panawagan sa lahat, kung gusto ninyong makatipid, maging mapanuri sa mga produktong bibilhin dahil kahit hindi ninyo intensiyong suportahan ang ganitong uri ng produkto, wa’ ‘wenta ang pagtitipid ninyo dahil dagdag-gastos lang ang perhuwsiyo na maidudulot nito.

Kapag masyadong mababa ang presyo at hindi makatotohanan, magdalawang-isip na kayo. Gayundin, kung hindi makikita ang mga markang nabanggit, mabuting huwag na lang bumili.

At para naman sa mga wa’ paki kahit manloko para lang makabenta, may kalalagyan din kayo!

Muli, paalala sa publiko, maging matalinong mamimili dahil ‘ika nga, walang manloloko kung walang magpapaloko.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page