Nakakamatay na presyo ng gamot, kokontrolin ng DOH

Habang isinusulat natin ang kolum na ito, isinasagawa sa Senado ang necrological ceremony para kay dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. ama ng kasamahan nating senador na si Sen. Koko Pimentel.
Sa kanyang pagpanaw, bitbit ni ex-Sen. ‘Nene’ ang karangalan bilang de-kalidad na Pilipino na nagsilbing tinig ng maralitang mamamayan at mga taong walang kapangyarihan; wala rin siyang inurungang laban kahit pa noong panahon ng Batas-Militar at kahit pa ngayong wala na siya sa katungkulan.
Hindi man natin siya nakasama sa Mataas na Kapulungan, batid natin ang kanyang kakaibang kakayahan sa larangan ng Lehislasyon dahil nakasama rin niya sa kapulungang ito ang ating namayapang ama na nagsilbi ring pangulo ng Senado.
Hindi rin matatawaran ang mga batas na nilikha ni ex-Sen. “Nene” at kabilang sa mga ‘yan ang ngayon ay batas na nagpapalakas sa mga pamahalaang lokal.
Sa politika, mga kababayan, hindi maiiwasan ang magkakasalungat na paniniwala at opinyon. Pero ang mga hindi pagkakaunawaang ito, hindi kailanman naging personal na balakid sa kanyang pakikipagkaibigan sa lahat. Tunay na kaibigan na hindi tumitingin sa iyong estadong politikal.
Nawala man ang iyong mortal na presensiya, mananatili ang iyong iniwang legasiya.
Paalam, ex-Sen. “Nene”.
◘◘◘
Plano ng DOH (Department of Health) na lagyan ng price ceiling ang mahigit 100 gamot na mahalaga para labanan ang mga nakamamatay na sakit tulad ng hypertension, sakit sa puso, diabetes, sakit sa baga, sakit sa bato at malulubhang uri ng cancer.
Batay sa pag-aaral ng DOH, hanggang ngayon ay dinaraya pa rin ng ilang kumpanya ng gamot ang mamamayan.
Ayon sa departamento, ang generic drugs ay ibinebenta sa bansa sa halagang apat na beses na mas mataas sa tunay na presyo nito sa international price. Ang branded medicines naman, 22 beses na mas mataas ang presyo sa Pilipinas kumpara sa ipinatutupad na presyo nito sa ibayong-dagat.
Nakapanlulumo, ang gamot ay para mabigyan ng lunas ang karamdaman ng tao. Pero sa ginagawang ito ng ilang kumpanya, parang mas dinodoble pa nila ang sakit ng mga pasyente.
Hindi makatarungan at hindi makatao kaya ang inyong lingkod ay taos-pusong sumusuporta sa hakbangin ng DOH na sana ay maipatupad sa lalong madaling panahon.
Napakarami nating kababayan na dahil sa napakamahal na gamot, mas inuuna na lang nilang bumili ng pagkain para sa pamilya.
Isinasantabi na lang ang kalusugan. Maawa tayo sa mga kababayan natin, lalo na sa mga mahihirap.
Mabuti na lamang at naisabatas ang pagbaklas ng VAT sa mga gamot laban sa diabetes, hypertension at cholesterol.
Ipinaglaban natin ito sa ilalim ng RA 10963 o TRAIN Law at ipinatupad mula noong Enero ng kasalukuyang taon kaya malaking kabawasan din ito sa gastusin sa mga medisina.
Muli, ipinararating natin sa DOH, suportado natin ang kanilang hakbang na lagyan ng price ceiling ang mahahalagang gamot para sa mga nabanggit na karamdaman. Isulong natin ito sa lalong madaling panahon.





Comments