Dahilan at mga dapat gawin para hindi ma-stroke
- Shane M. Ludovice, M.D
- Oct 26, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Na-stroke ang tatay ko at naapektuhan nito ang kanyang pananalita kaya ngayon ay nag-i-speech therapy siya at medyo tumabingi na ang kanyang bibig at hirap din siya sa paglalakad. May diabetes din ang tatay ko, may kaugnayan kaya ito sa pagkakaroon niya ng stroke? Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa dahilan nito? — Alex
Sagot
Ang stroke ay kondisyon kung saan nahaharang o nalilimitahan ang maayos na suplay ng dugo sa utak dahil sa ilang mga dahilan. Bunga nito, ang indibidwal ay nahihirapang kontrolin ang kanyang galaw, pananalita, pag-iisip at iba pa.

Mayroong iba’t ibang uri ng stroke na nakaaapekto sa tao depende sa paraan ng pagkakabara o pagkakapigil ng maayos na daloy ng suplay ng dugo sa utak. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Pamumuo ng dugo sa ugat malapit sa utak (is chemic stroke). Ito ay pagbabara ng ugat sa utak dahil sa namuong dugo. Ang pamumuo ng dugo ay kadalasang nangyayari dahil sa paninikip ng daluyan dahil sa naiipong cholesterol sa mga pader ng ugat.
Pagputok ng ugat sa utak (hemorrhagic stroke). Ito ay nakapagdudulot ng paghinto ng suplay ng dugo sa utak. Kadalasang nagaganap ang pagputok ng ugat dahil sa nanghinang pader nito dulot ng madalas na alta-presyon.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng stroke:
Panghihina at pamamanhid ng mukha, mga braso at kamay, binti at paa sa isang bahagi ng katawan.
Kawalan o hirap sa pananalita at kakayahang maintindihan ang mga salita
Problema sa paningin sa isang mata
Hirap sa pagbalanse at paglalakad
Pagsusuka, lagnat at hirap sa paglunok
Matinding pananakit ng ulo
Hindi maintindihang pagkahilo
Narito ang ilan sa mga hakbang na makatutulong sa pag-iwas sa stroke:
Pagkontrol sa presyon ng dugo
Pagbabawas ng cholesterol at taba sa pagkain
Pagtigil sa paninigarilyo
Pagkontrol sa diabetes
Pagpapanatili ng tamang timbang
Madalas na pagkain ng prutas at gulay
Regular na pag-eehersisyo
Pag-iwas sa pag-inom ng alak
Pag-iwas sa mga ipinagbabawal na gamot
Ang stroke ay itinuturing na emergency at nangangailangan ng agarang atensiyong medikal. Agad na magtungo sa emergency room ng mga pagamutan sa oras na makitaan ng mga sintomas at senyales ng stroke. Ang kaligtasan ng taong dumanas ng stroke ay nakasalalay sa maagang pagkakadiskubre ng sakit at pagbibigay ng lunas.





Comments