top of page

Gamot sa almoranas, alamin!

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Oct 25, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ako ng almoranas mula nang manganak ako. Makati ito at kapag dumurumi ako ay nagdurugo. Paano ba ito mawawala? — Roselle

Sagot Ang almoranas o hemorrhoids ay namamagang mga ugat sa palibot ng butas ng puwit. Ito ay maaaring tumubo sa loob o labas ng butas ng puwit. Sa dalawang uri ng almoranas, ang almoranas sa labas ng puwit ang pangkaraniwan at lubhang nakasasagabal sa mga gawain sa araw-araw.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng almoranas:

  • Matindi ang pangangati ng puwit

  • Pagsusugat sa palibot ng puwit

  • Pagkakaroon ng makati o masakit na bukol malapit sa puwit

  • Masakit na pagdumi

  • Paglabas ng kaunting dugo sa puwit

Narito ang ilan sa mga sanhi ng almoranas:

  • Sobrang pag-iri kapag nagbabawas

  • Pagkakaroon ng pangmatagalang kahirapan sa pagdumi

  • Pag-upo sa kubeta nang matagal na panahon

Ano ang gamot sa almoranas?

Ang paggamot sa almoranas ay maaaring isagawa sa bahay o sa klinika ng doktor.

Para mabawasan ang pananakit, maaaring ibabad sa palangganang may maligamgam na tubig ang puwit sa loob ng 10 minuto.

Ang gamot sa sakit na dala ng almoranas ay maaaring bilhin sa botika kahit walang reseta tulad ng suppository, ointment o cream para mawala ang sakit at pangangati.

Maaari mo ring isama sa iyong paggamot sa almoranas ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang pagkain ng ganitong mga pagkain ay maaaring makabawas sa panganib na magkaroon ka ulit ng almoranas sa hinaharap. Makatutulong ito na malinis ang ating bituka, palalambutin nito ang dumi kaya madali itong mailabas kapag magbabawas.

Kung nahihirapan sa pagdumi, puwede kang bumili ng fiber supplement sa botika para matulungan kang lumambot ang iyong dumi.

Iwasan ang pag-upo nang matagal sa kubeta dahil ito ay magpapataas ng presyon sa mga ugat sa palibot ng puwit.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page