Sangkot sa pagpuslit ng kontrabando.. Mga pulis sa bilibid, ni-recall

Ipina-recall ni NCRPO Director Brig. General Debold Sinas ang lahat ng mga pulis na naitalaga sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Sinas, makikipag-usap umano siya sa mga opisyal ng Bureau of Corrections para talakayin ang insidente. Aalamin din kay BuCor Chief Gerald Bantag kung nais pa nitong panatilihin ang mga tauhan ng NCRPO sa Bilibid.
Ang 16 na pulis na sangkot sa smuggling ng mga kontrabando sa maximum prison cell ng Bilibid ay kasalukuyang nasa Personnel Holding and Accounting Unit sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Inilagay sa floating status ang 16 habang iniimbestigahan ang mga ito.
Kabilang sa mga tinangkang ipuslit na kontrabando ay mga alak, sigarilyo at cellphone.
Kung mapatutunayang nagkasala, kahaharapin ng mga ito ang kasong grave misconduct.
Una nang ipina-deploy ni dating NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar ang mga police personnel bilang bahagi ng cleansing sa Bilibid.





Comments