top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga empleyado ng city hall, imbestigahan sa PWD ID for sale!

  • Ryan B. Sison
  • Oct 24, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Diskuwento sa bilihin at pamasahe, prayoridad sa pila at pampublikong transportasyon. Ilan lang ang mga ito sa mga prebilehiyong ibinibigay sa Persons with disabilities (PWDs), pero nakukuha ang mga ito kapag nagprisinta ng PWD ID ang indibidwal.

Kaugnay nito, ibinunyag ni ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap ang talamak na bentahan ng PWD ID sa bansa.

Ayon kay Yap, noong nakaraang taon, habang kumakain sa isang restoran sa Maynila, may nakasabay siyang pamilya ng mayayaman at habang nagbabayad ng bill, naglabas ang mga ito ng PWD ID.

Dahil dito, nagpakalat siya ng mga tao para kumuha ng PWD ID kahit walang kapansanan at laking-gulat nito na nabigyan ang lahat ng kanyang inutusan nang walang kahirap-hirap.

Hindi pa aniya siya nakuntento kaya nag-utos pa ito ng 15 tao para kumuha ng PWD ID sa Maynila at Quezon City.

Nagbayad ang mga ito ng tig-P3, 000 at nagamit ang mga ID sa lahat ng restoran nang hindi inalam ng establisimyento kung totoo o peke ang mga ito.

Samantala, hinihikayat ng kongresista ang mga alkalde na tingnan ang proseso sa pagbibigay ng PWD ID upang mabatid kung ito ay naaabuso habang ang mga binigyan ay hinimok na i-surrender ang mga ito.

Naniniwala ang mambabatas na posibleng bilyun-bilyong piso na ang nawawala sa pamahalaan dahil sa bentahan ng PWD ID.

Sa totoo lang, maganda ang layunin ng PWD ID dahil malaking tulong ito sa mga kababayan nating may kapansanan. Ang problema, inaabuso ito ng ilan, lalo na ng mga gahaman. Tsk!

Nakadidismaya dahil maraming PWDs na hirap makakuha ng nasabing ID sa dahilang hindi kayang magproseso ng requirements dahil walang pera, pero, bakit kapag mayayaman na hindi naman kailangan o wala talagang kapansanan, napagbibigyan? Pera-pera na lang ba talaga?

Sana, magsilbing-aral ito sa pamahalaan upang higpitan pa at silipin ang proseso sa pagkuha nito, gayundin imbestigahan ang mga empleyado ng city hall para matunton ang gumagawa nito.

Hindi ito dapat palampasin dahil hindi natin maitatanggi na marami tayong kababayan na nagsisikap makakuha ng PWD ID sa tamang paraan, pero may iba na konting lagay lang, may ID na, nakaka-discount pa.

Marami silang prebilehiyong nakukuha na dapat para sa totoong PWD, kaya panawagan sa mga lokal na pamahalaan, pagbebenta ng PWD ID, tuldukan!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page