Lady Bulldogs, sinakmal ang pagkapit sa top spot

Pinasadsad ng National University ang University of the Philippines, 109-33, para lalo pang tumibay ang kanilang pangingibabaw sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament at mapalawig ang kanilang makasaysayang winning run sa 92 games kahapon sa Araneta Coliseum.
Mula sa kanilang panimulang 18-2 blast, tinapos ng Lady Bulldogs sa iskor na 35-9 ang first period.
Hindi pa nakuntento sa nasabing bentahe, ginawa pa nila itong 51-15 sa pagtatapos ng first half at pinalobo hanggang 75 puntos ng makailang beses sa 4th quarter.
“I’m just happy that ‘yung first group namin delivered from the opening minutes of the game. They had the momentum going and everybody was into our game plan,” pahayag ni NU coach Patrick Aquino.
Namuno si rookie Camille Clarin sa naturang panalo sa ipinoste niyang 20 puntos at 5 rebounds, kasunod si Congolese center Rhena Itesi na may 16 puntos, 8 rebounds , 3 steals at 2 assists.
Nasiyahan din si Aquino sa ipinakita ng Lady Bulldogs’ bench na kumpiyansa habang papatapos na ang elimination round.
“I’m also happy that the second five delivered. They’re understanding that they have to perform and execute the same way as the first group is,” ayon pa kay Aquino.
Pinangunahan ni Lulu Ordoveza ang Lady Maroons na nalaglag pa lalo sa ilalim ng standings sa pagbagsak nila sa kartadang 1-11 sa itinala nitong 8 puntos at 4 rebounds.
Sa huling laban, tumaas ang Adamson University sa solong ikatlong puwesto pagkaraang ungusan ang Far Eastern University, 61-59 sa larong idinaos sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Nakamit ng Lady Falcons ang asam na back-to-back wins na nagtaas sa kanila sa markang 8-4, isa at kalahating laro ang agwat sa kanilang biktima na dumanas ng ikalawang sunod na pagkatalo.
Nanguna muli sa nasabing panalo si Mar Prado na tumapos na may 26 puntos at 10 rebounds.





Comments