Kaya oks na oks sa mga bagets... Trick or treat, nagtuturo ng mabuting asal, healthy pa sa katawan
- Justine Daguno
- Oct 24, 2019
- 2 min read

Mangkukulam, superhero, anime o cartoon character at iba pa, ilan lamang ito sa common costumes na paborito nating gayahin tuwing sumasapit ang halloween.
Pero alam n’yo ba na hindi lang basta pananakot o pagkakaroon ng maraming candies ang dulot ng halloween, partikular sa mga bagets na suki nito? Well, narito ang ilan sa mga positibong bagay na kanilang matututunan sa okasyong ito:
1. PAGIGING MALIKHAIN. Sa simpleng pag-iisip kung ano o sinong character ang gusto nilang gayahin, nalilinang ang pagiging malikhain ng mga bata. Lumalawak ang kanilang imahinasyon at diskarte sa paggawa o paglikha sa kanilang napiling karakter.
2. PAKIKISAMA AT PAKIKIBAGAY. Bawat isa ay may kani-kanyang personalidad. Merong bata pa lang ay bibo na at meron din namang shy type. Kaya karamihan sa mga magulang, ginagamit ang mga ganitong pagkakataon para maturuan ang kanilang mga anak na makihalubilo sa iba o makipagkaibigan sa kapwa nila bata, kumbaga, napa-practice sila na isantabi ang pagiging mahiyain o pansamantalang lumabas sa kanilang comfort zone.
3. EXERCISE. Hindi maitatangging masyado nang umiikot ang mundo ng kabataan sa modernong teknolohiya kaya ang ending, palagi na lang silang nakahilata habang nagga-gadget at nagso-social media at siyempre, hindi healthy ‘yun. Ang pagti-trick-or-treat ay hindi lamang aktibidad na kailangan nilang mag-costume at humingi ng candy dahil habang ginagawa ito ay nakapaglalakad-lakad din sila, isang simple, pero maituturing na mabuting ehersisyo.
4. KABUTIHANG-ASAL. Sa pagkakataong ito, matututo rin sila ng “proper etiquette” tulad ng paggamit ng salitang “please” kapag may hiningi o humihingi sila ng pabor at “thank you” o “salamat” naman kapag pinagbigyan. Marahil, maliit na bagay lamang itong maituturing kumpara sa mga bagay na matututunan nila sa paaralan, pero siguradong ang maliliit na bagay na ito ay madadala nila hanggang sa kanilang paglaki.
5. PAGTITIWALA SA SARILI. Ito ay dahil kailangan nilang dalhin ang kanilang karakter. Ang bawat ‘compliment’ na kanilang matatanggap ay maituturing na ‘plus point’ na magbu-boost ng kanilang self-confidence.
Ang ganitong aktibidad ay minsan lamang sa isang taon kaya walang masama sa pakikilahok dito ng mga bagets. Isa ito sa mga okasyon na masayang maging parte ng kanilang pagkabata.
Pero bilang nakatatanda, dapat gabayan natin sila para madali nilang maintindihan kung para saan o ano ang kanilang ginagawa. Kaya sa mga ka-BULGAR natin d’yan, trick or treat! Happy Halloween!




Comments