‘Wag dedmahin.. Peripheral Arterial Disease, maaaring humantong sa atake sa puso at pagkaputol ng mg
- Shane M. Ludovice, M.D
- Oct 24, 2019
- 2 min read
Dear Doc Shane, Mayroong diabetes ang nanay ko at palagi niyang iniinda ang madalas na pagsakit ng kanyang mga binti. Kapag ipinahinga niya, okay naman, pero may mga pagkakataong hindi nawawala ang kirot at nanlalamig daw ang pakiramdam niya. May kaugnayan kaya ito sa kanyang diabetes?—Ashley
Sagot Ang mga ugat sa paa ay puwedeng mabarahan ng taba kapag may diabetes. Dahil dito, kumikipot ang mga ugat at nagkukulang ang daloy ng dugo sa mga paa at binti kaya ito ay sumasakit. Ito ay tinatawag na Peripheral Arterial Disease (PAD). Kapag kulang ang dugong dumadaloy sa mga paa at binti ay kulang din ang oxygen na nakararating sa muscles.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng PAD:
Masakit na mga binti kapag naglalakad pero nawawala pagkatapos magpahinga nang ilang minuto.
Pamumulikat o madaling mapagod ang mga binti sa paglalakad.
Pamamanhid o panlalamig ng mga paa at binti.
Matagal maghilom ang sugat sa mga paa.
Tuyo, nagbabalat o cracked ang balat sa mga paa.
Masakit ang mga daliri ng mga paa kahit na nakapahinga.
Isa sa bawat tatlo na may edad 50 pataas na may diabetes ay may PAD. Puwedeng sukatin ng doktor ang blood pressure sa mga binti at ikumpara ito sa blood pressure sa braso.
Kung mas mababa ang blood pressure sa mga binti kumpara sa mga braso ay puwedeng may PAD. Ibig sabihin, mas kaunti ang dumadaloy na dugo sa mga binti.
Maaaring magtanong sa doktor ang pasyente tungkol sa Peripheral Arterial Disease (PAD) kung mayroon nang mga sintomas na nabanggit. Paalala, kung may PAD, posible rin na tumataas ang peligro na atakihin sa puso, ma-stroke o maputulan ng mga paa.





Comments