Unahan na sa semis slot: UP, FEU, ADU, DLSU AT UST
- VA
- Oct 23, 2019
- 2 min read

Tatangkaing palakasin ng apat na koponang nag-aagawan sa huling tatlong slots sa Final 4 ang kani-kanilang tsansa sa pagsabak nila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2nd round ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Magkakasunod ngayon sa 2nd hanggang 5th place ng team standings, unang sasabak ang sumesegundang University of the Philippines (7-4), na susundan ng pumapang-apat na Far Eastern University (6-6) bago ang kasalukuyang panglima na De La Salle University (5-6) at ang ikatlong UST (7-5).
Nakatakdang makatunggali ng Maroons sa unang laro ng 10:30 a.m. ang out-of-contention ng National University (2-9) habang makakatunggali ng Tamaraws ang naghahabol pa na Adamson U Falcons (4-7) sa 2nd game ng 12:30 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Green Archers at Growling Tigers ng 4 p.m. At sapagkat papatapos na ang elimination round, inaasahang higit na magiging maigting ang labanan ng mga nabanggit na koponan upang makahanay kasama ng nauna ng umusad at defending champion Ateneo de Manila Blue Eagles sa Final 4 round.
Pipilitin ng Maroons na makapagtala ng mas kumbinsidong panalo kontra Bulldogs na nagawa lang nilang ungusan noong first round, 80-79 para tumatag sa kinatatayuang 2nd place.
Sa susunod na laro, ninanais din ng Tamaraws na duplikahin ang 83-71 na panalo kontra Falcons noong unang round para maging matatag sa kapit nila sa no.4 spot.
Samantala sa tampok na laban, sisikapin ding patibayin ng Tigers ang pagkakaluklok sa ikatlong posisyon at patuloy na buhayin ang tsansa na makahabol sa second place sa pamamagitan ng tangkang pagbawi sa 77-92 na pagkatalo nila sa Green Archers nang una silang magkaharap.
Sa kabilang panig, tatangkain ng Archers na makabangon mula sa talong nalasap sa kamay ng Tamaraws sa nakaraang laban upang tumaas mula sa kinalalagyang 5th place para manatiling buhay ang pag-asang umabot ng semifinals.





Comments