top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Rescue-in-tandem, malaking tulong sa mga nasa emergency situation

Bong Revilla
Oct 23, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Masyado nang negatibo tuwing mababasa natin ang riding-in-tandem dahil palagi na lamang silang laman ng mga pahayagan na silang responsable sa mga nakawan at patayan gamit ang motorsiklo.

Ang motorsiklo na dapat solusyon sa matinding trapik ay ginagamit na ng mga masasamang-loob para magsagawa ng krimen.

Noon, matapos manghablot ng snatcher, kakaripas na ito ng takbo o makikipaghabulan na sa mga pulis o taumbayan na nais mabawi ang kanyang kinulimbat.

Pero nag-level-up na ang mga masasamang-loob, gumagamit na sila ng motorsiklo na karaniwan ay ninakaw din bago nila pagsanayan na gagamitin naman sa pag-atake.

Ngayon, gagawin natin itong positibo dahil nagsumite tayo ng panukalang-batas para magkaroon ng mga nakamotorsiklong reresponde sa emergency.

Tatawagin natin itong ‘rescue-in-tandem, may magkasamang lulan ng motorsiko ngunit, sumailalim sa masusing pagsasanay para rumesponde sa mga biktima ng aksidente o sakit tulad ng atake sa puso.

Isinumite natin ang (S. No. 1120), “An Act Mandating All Public and Private Medical Institutions and Hospitals to Provide for Motorcycle Medical Emergency First Responders,” bilang tugon sa matinding pangangailangan ng maysakit o biktima ng vehicular accident.

Dahil sa kasalukuyang sitwasyong dinaranas ng ating bansa sa sobrang pagsisikip ng trapiko ay marami ang hindi na umaabot sa pagamutan dahil hindi agad narespondehan para bigyan ng karampatang-lunas.

Pati ‘yung mga nasa bulubunduking bahagi ng mga lalawigan at karatig-bayan ay mabibigyan ng serbisyong-medikal dahil mabilis na makararating ang mga sasanaying rescue-in-tandem.

Sila ang magbibigay ng paunang-lunas habang naaabala pa ang paparating na ambulansiya na kasalukuyang sirena nang sirena, pero hindi makausad dahil sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko.

Naniniwala tayong sa pamamagitan ng motorcycle first responder, maiibsan ang pagkasawi ng sinumang nasa delikadong sitwasyon dahil agad na mabibigyan ng paunang-lunas.

Kung sakaling ito ay magiging batas, kailangang lahat ng ospital ay magkaroon ng rescue-in-tandem maging ito ay pribado o pampubliko na lahat ay isasailalim sa masusing pagsasanay at pamamahalaan din ng mga propesyonal.

Sa ganitong sistema ay makaaasa ang ating mga kababayan, partikular ang mga nasa alanganin at malalayong lugar na matitikman nila ang serbisyong-medikal ng ating mga pagamutan.

Ang rescue-in-tandem na bukod sa may dalang medical kit ay kumpleto rin ng communication gadgets para naihahanda na ng ambulansiya ang kailangan nitong gawin sa oras na dumating sila sa kinaroroonan ng maysakit o aksidente.

Liwanagin lang natin, emergency lang ang itatawag at hindi kasali ‘yung mga ordinaryong sakit o gusto lamang magpatuli.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page