Mga abusadong negosyante, bilang na ang araw sa DTI

Maraming residente ang naapektuhan ng Magnitude 6.3 na lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo kaya kani-kanyang diskarte ang mga residente para makabangon.
May ilang humihingi ng tulong sa gobyerno, nagbabakasakaling may maisalba pa sa nasirang tirahan at meron namang sa negosyo idinaraan.
Kaugnay nito, mahigpit pa ring binabantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Davao del Sur ang presyo ng mga bilihin matapos makatanggap ng ulat na may ilang negosyo at establisimyento ang nananamantala sa pagdaragdag ng presyo sa kanilang mga ibinebentang produkto.
Ayon sa DTI, binigyan na ng warning ang ilang tindahan na napatunayang nagtaas ng presyo ng bigas. Gayundin, posible umanong makanselahan ng business permit ang mga ito kapag napatunayan na hindi suportado ng anumang DTI order ang kanilang pagtataas-presyo.
Dahil dito, paalala ng DTI sa mga mamimili, bisitahin ang kanilang website para makita ang aprubadong retail prices ng ahensiya sa prime commodities.
Batay sa datos, nasa 15 malls at department stores sa Digos City at ilan pang lugar sa lalawigan ang ipinasara matapos ang malakas na pagyanig noong nakaraang linggo.
Samantala, bilang konsiyumer, karapatan nating alamin ang dahilan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin kaya kapag may namataang tindahan na taga sa presyo, ipagbigay-alam agad sa awtoridad para maimbestigahan.
Hindi natin maitatanggi na marami ang desperadong makabangong muli matapos ang pagyanig, pero sana, huwag pairalin ang kasamaan, lalo na ang panlalamang sa kapwa. ‘Yung iba, wala nang choice kaya pumapatol kahit sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, makakain lang. At para sa mga negosyanteng mapagsamantala, makonsensiya naman kayo!
Siguradong lahat kayo ay pare-pareho ng gusto, ang makabangon at maka-survive sa araw-araw. Kaya sana, gawin ito nang sabay-sabay. Hindi ba, ang sarap sa pakiramdam na magkakasama kayong bumabangon at humaharap sa mga pagsubok?
Sa totoo lang, lahat kayo ay pare-parehong biktima ng kalamidad kaya sana, tama na ang panloloko at lamangan, magtulungan na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments