top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Dilawan, nagpapagamit sa mga Kano para pabagsakin si P-Digong

Walang tigil ang dilawan sa kanilang mga kabulastugan para lang mapasaya ang kanilang mga among puti. Gusto nila ngayong awayin ng Pilipinas ang China sa harap ng United Nations (UN).

Tila naubusan na ng ideya ang dilawan sa pagpapaalis kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya gusto na nilang pabagsakin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pakikipag-away sa ating primerong trading partner, ang China.

Sinabi ni Francis Jardeleza, isang dilawan at dating Supreme Court justice, na kailangan daw iharap ng gobyerno ang Hague Arbitral Ruling (July 2016) sa United Nations.

Sinunod lang ni Jardeleza ang sinabi ng isa pang kampon ng Aquino-Cojuangco na si ex-DFA Sec. Albert del Rosario, na dapat labanan ng UN ang China.

Naaalala ba ninyo si Del Rosario? Siya ang dapat sisihin kung bakit nawala sa Pilipinas ang Scarborough Shoal. Mahabang kuwento ang nangyari sa Scarborough Shoal noong 2012.

Marami na tayong naisulat tungkol dito sa ating column sa pahayagang Manila Times. (Puwede ninyong hanapin ang mga ito online kung interesado kayo. Mayroon din tayong sariling website, ang rigobertotiglao.com).

Pero para sa mga mambabasa ng pahayagang BULGAR, ikukuwento natin nang kaunti ang tungkol sa Scarborough dahil kakabit nito ang isyu ng kaso sa Hague. Mapapansin sa salaysay natin kung paano ginagamit ng mga Amerikano ang dilawan para sa kanilang “proxy war” o nakakubling pakikipaggiyera sa China.

Ang Scarborough Shoal ay hindi isla kundi grupo ng mga bato at buhanginan sa gitna ng dagat na puntahan ng maraming isda kaya ito ang lugar na madalas puntahan ng mga mangingisda para makarami ng huli. Tahimik ito noon kung saan puwede ritong mangisda ang anumang nasyunalidad. Pero nawala ang kapayapaan nang naging agresibo ang Pilipinas sa ilalim ni ex-P-Noy.

Ang masaklap, ipinadala ng dating pangulo ang barko ng Philippine Navy, ang BRP Gregorio del Pilar sa Scarborough Shoal noong 2012. Ang barkong ito (second-hand na sasakyan ng US Coast Guard) ay regalo ng U.S. kay ex-P-Noy.

Maling-mali ang ginawa niya. Ang Navy ay parte ng AFP (Armed Forces of the Philippines) kaya itinuturing na “military move” ang ginawa nila sa Scarborough Shoal.

Lumabas tuloy na tayo ang sumalakay sa mga mangingisdang Chinese. Nainsulto natin ang China sa pagkilos na ito na parang nakikipag-away tayo.

Mabuti sana kung malakas ang ating militar tulad ng sa kanila, eh, noong panahon ni ex-P-Noy, kahit bota para sa mga sundalo, hindi tayo makabili.

Kahit sabihing nagpadala rin ang China ng mga barko galing sa kanilang China Maritime Surveillance (CMS), ang institusyon na ito ay sibilyan. Kumbaga, ito ang kanilang coast guard.

Iba pa rin ang tingin kapag Navy ang ipinadala mo dahil ang dating ay parang nakikipaggirian ka o gustong makipaggiyera.

Sa kalaunan, pinalitan ni ex-P-Noy ang barko ng sibilyang sasakyan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at coast guard. Gayunman, nanatili pa rin doon ang mga barko ng CMS ng China.

Alam n’yo ba na Pilipinas din ang unang umurong? Anong nangyari? Sinabihan si Del Rosario ng U.S. na alisin ang ating mga barko sa Scarborough Shoal at susunod daw ang Tsina.

Ang sabi pa raw ng opisyal ng US Department kay Del Rosario, sabay daw mangyayari ang pag-alis sa pagitan ng dalawang bansa.

Siyempre, naniwala ang mga tuta ng U.S. Umalis ang Pilipinas sa Scarborough Shoal, pero nanatili lang ang mga barko ng Tsina.

Ayon sa Tsina, wala raw ganu’ng usapan at ganundin ang sinabi ng US, hindi raw ito makikialam sa away ng dalawang bansa.

Naisahan sina Del Rosario at ex-P-Noy. Nang humingi sila ng tulong-militar sa US, ayaw nitong sumawsaw sa isyu. Bakit sila makikipaggiyera sa Tsina, ano sila, hilo?

Inabisuhan na lang ng U.S. ang dilawang gobyerno na magsampa na lang daw ng kaso sa “arbitration”. Tutulong at magbibigay pa raw sila ng mga Kanong abogado. Teka, ito ba ang intensiyon nila sa simula pa lang?

Nanalo raw tayo sa kaso sa Hague na ang basehan diumano ay ang UNCLOS. Pero wala rin itong silbi dahil hindi kinikilala ng Tsina ang desisyong inilabas. Samantala, hindi rin pinirmahan ng US ang UNCLOS.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page