Cool smashers, magpapatibay, Angels, magpapatatag sa PVL
- Gerard Arce
- Oct 23, 2019
- 1 min read

Photo: SportsVision
Susubukang walisin ng Creamline Cool Smashers ang elimination round ng walang bahid ng pagkatalo habang papatatagin ng PetroGazz Angels ang posisyon nito sa second place sa nalalapit na pagtatapos ng elimination matches ngayon sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Aasamin ng Cool Smashers ang isang ‘rare sweep’ sa kompetisyon na maglalaro ng wala ang top-hitter na si Alyssa Valdez at starting setter na si Jiah Morado na ngayon ay nag-eensayo kasama ang National Team sa Japan para sa paghahanda sa 30th Southeast Asian Games.
Muling magtutulong-tulong sina Jema Galanza, Michele Gumabao, Pau Soriano, Rose Vargas at Kyle Negrito upang hugutin ng Cool Smashers ang pambihirang panalo matapos ang dikdikang 3-sets win nitong nakalipas na weekends laban sa semifinal-bound na Banko-Perlas 25-22, 27-25, 25-14. Paniguradong nasa top spot na ang Cool Smashers na may 15-0 marka at susubukang mapanatili ang malinis na record laban sa semifinalist na Motolite (10-5) sa second game ng 4:00 p.m.
Sa main game ay paniguradong makukuha na ng Angels (11-4) ang second ranking sa ilalim ng cool smashers anuman ang maging resulta ng laro laban sa eliminated team na Choco Mucho (6-9) sa 6 p.m. Sasandal pa rin ang Angels kina Jonah Sabete, Chie Saet, Jeanette Panaga at Jovelyn Prado, habang magsasama-sama sina Bea De Leon, Kat Tolentino at Bang Pineda, habang wala rin ang middle defender na si Maddie Madayag na nasa national team.





Comments