top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Teknik para sure na hindi peke ang bibilhing Christmas lights

  • Jun R. Guillermo
  • Oct 22, 2019
  • 2 min read

Kung hindi tayo nagkakamali, mahigit 60 araw na lang ay ipagdiriwang na naman ang kapanganakan ng ating Panginoong HesuKristo at makikita na naman natin ang masasaya at kumukuti-kutitap na mga ilaw tuwing Kapaskuhan.

Kasabay nito, ayon sa ating dagang dingding, naglipana na naman ang mga sub-standard X’mas lights sa mga pamilihan, partikular sa mga bangketa. Kaya nagpapaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa raket o modus ng mga fly-by-night na nagtitinda ng mga walang kalidad na X’mas lights ngayong Kapaskuhan.

Ayon sa nakausap nating mga taga-DTI-Bureau of the Philippines Standard, todo-pambobola ang mga suspek para lang mabili ang kanilang mga walang kalidad na paninda, tila walang pakialam kahit pa may mapeperhuwisyo sila. Walang malasakit ang ilang negosyante dahil ang mahalaga lang sa kanila ay kumita.

Kaya ang payo ng awtoridad sa mga mamimili, huwag magpadala sa pambobola. Hanapin ang DTI permit ng tindahan na nagpapatunay na lehitimo at hindi delikado ang mga X’mas lights na ibinebenta.

Pumili lamang ng de-kalidad, ugaliing hanapin muna ang Philippine Standard o PS certification mark o ang Import Commodity Clearance o ICC sticker upang makasiguro na dumaan ito sa product testing at para hindi kayo mabiktima ng mga demonyong tindero ng mga sub-standard X’mas lights na nagkalat na raw ngayon sa mga pamilihan. Tsk!

Paalala sa mga ka-BULGAR nating gustong maging makulay ang kanilang Kapaskuhan at madalas bumili ng X’mas lights, huwag tangkilikin o bumili ng mga sub-standard na pailaw, dahil sa mababa nitong kalidad, maaari itong pagmulan ng disgrasya tulad ng nakakatakot na sunog na usung-uso ngayong pumasok ang ‘ber’ months.

‘Ika nga, “ang naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.”

Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?

Muli, laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Mas ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page